FEU tuloy ang ratsada’
MANILA, Philippines — Patuloy ang pamamayagpag sa tuktok ng team standings ng Far Eastern Univeristy matapos nilang suwagin ang Ateneo de Manila University, 93-70 kagabi sa UAAP Season 89 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa Araneta Coliseum kahapon.
Tumikada si Mo Konateh ng career-high 29 points at 11 rebounds para tulungan ang Tamaraws na ilista ang 4-1 record at ipalasap sa Blue Eagles ang pangatlong talo sa anim na laro.
Maagang naging mabalasik ang Blue Eagles nang ilipad nito ang apat na puntos na bentahe, 27-23 sa unang quarter.
Naging maligalig naman ang Tamaraws sa second period kaya naagaw nila ang lamang at umungos sila ng pitong puntos, 46-39 sa halftime.
Samantala, iniligtas ni Reinhard Jumamoy ang National University matapos isalpak ang game-winning three-pointer upang kalusin ang University of Santo Tomas, 87-85 sa overtime sa unang laro.
Bantay sarado si Jumamoy ni Mark Llemit, pero dumiskarte ang una upang malusutan ang huli para pakawalan ang panelyong tres at ilista ang pangalawang sunod na panalo ng Bulldogs.
Nagposte si Jumamoy ng 19 points, tig-anim na rebounds, assists at dalawang steals.
Lumakas ang kapit ng Bulldogs sa magic four tangan ang 4-2 karta.
- Latest

















