Giant pandas sibak sa Dyip

MANILA, Philippines — Humataw si import Justin Strings ng 32 points at 11 rebounds para tulungan ang Terrafirma sa 146-127 pagsibak sa guest team Macau sa Season 50 PBA Governors’ Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nagbagsak si Juami Tiongson ng 30 markers tampok ang pitong three-point shots sa pagbangon ng Dyip mula sa dalawang dikit na kabiguan at pagandahin ang kanilang record sa 4-6 sa Group A.
“It’s still one game at a time. Iyong kapalaran namin wala na sa kamay namin. May mga games pa, we need to keep on competing lang,” ani coach Ronald Tubid sa kanilang tsansa sa quarterfinals.
Bumira si JM Bravo ng career-high 22 points, habang may 18 markers at 20 boards si No. 1 overall pick Geo Chiu at nagdagdag sina Brent Paraiso at Joseph Eriobu ng tig-11 points.
Talsik ang Macau sa kanilang 2-8 karta kasama ang apat na sunod na talo.
Nagkadena si import Oscar Lopez ng 41 points at 26 rebounds para sa guest squad at nag-ambag si Lam ng 37 markers.
Ang huling panalo ng Macau ay kontra sa Terrafirma, 96-92, noong Hulyo 29.
Ito ang nagpakulo ng dugo ng Dyip nang iposte ang 67-53 abante sa 3:32 minuto bago ang halftime patungo sa 87-68 paglayo sa kaagahan ng third period.
Ang triple ni Tiongson ang nagbigay sa Terrafirma ng 20-point lead, 112-92, sa huling 1:17 minuto ng nasabing yugto.
Sa likod nina Lopez at Lam ay nakalapit ang Macau sa 120-130 sa huling 3:51 minuto ng fourth quarter.
Hindi na bumitaw ang Dyip sa kanilang kalamangan para kumpletuhin ang pagganti sa Giant Pandas.
- Latest

















