Pro-Duterte vlogger itinumba sa Surigao!

MANILA, Philippines — Patay ang isang kilalang pro-Duterte vlogger makaraang pagbabarilin habang nagmamaneho ng pickup truck sa kahabaan ng national highway sa Carrascal, Surigao del Sur kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Philip Engbino, 48-anyos, tubong Minglanilla, Cebu, manager ng EZMMI GenCon, contractor ng Strong Group Mining Corp. (SMGC).
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 13, nangyari ang insidente sa nasabing lugar habang nagmamaneho ang biktima ng isang kulay puting pickup truck na pag-aari ng SGMC nang pagbabarilin ito ng mga armadong salarin sa bahagi ng national highway ng Brgy. Bacolod ng nasabing bayan dakong alas-6 ng umaga.
Ang biktima ay isang aktibong social media vlogger na masugid na supporter ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa imbestigasyon, pagsapit sa lugar ay pinaulanan ng bala ng mga armadong salarin ang behikulo ng biktima saka mabilis na nagsitakas ang mga suspect patungo sa hindi malamang destinasyon.
Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na agaran nitong ikinasawi.
Kabilang sa sinisilip na anggulo sa motibo ng krimen ay ang sigalot sa kumpanya ng biktima kung saan maraming manggagawa ang tinanggal sa trabaho at binawasan umano ng benepisyo.
Samantala, idinagdag pa rito ang anggulo ng pulitika sa matindi nitong mga pagbira sa kaniyang mga komento sa kaniyang vlog.
- Latest





















