DepEd nakatutok sa kaso ng 4 estudyante na nakuryente sa ‘bubbles fun run’

MANILA, Philippines — Nagsasagawa na ng masusing pagmo-monitor ang Deparment of Education (DepEd) sa kaso ng pagkakakuryente ng apat na elementary pupils ng Cauayan South Central School na ikinasawi ng dalawa sa kanila sa ginanap na school “bubbles fun run” sa Cauayan City, Isabela noong Sabado.
“DepEd is taking the necessary steps to establish the facts surrounding the incident and is coordinating with the local government and law enforcement authorities,” anang DepEd sa isang pahayag.
“A fact-finding investigation is underway, including a review of the activity, safety measures, equipment used, and the roles of those involved. Appropriate action will be taken based on the findings,” giit pa ng DepEd.
Sa ulat ni Isabela Provincial Police Office P/Director P/Col Manuel Brigas, ang mga nasawi ay isang 8-anyos at isang 7-anyos, pawang estudyante ng eskuwelahan na nagpartisipa sa kanilang Bubbles Fun Run noong Sabado. Dalawa sa mga biktima ay ginagamot pa matapos na isugod sa hospital.
Sinasabing nagkaroon ng electric short circuit kung saan nakuryente ang apat na batang naglalaro ng pabula o bubbles sa nasabing fun run.
Kaugnay nito, personal na nagtungo sa nasabung eskuwelahan si Speaker Faustino “Bojie’ Dy III, kinatawan ng Isabela 6th District, at nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng dalawang batang mag-aaral na nasawi sa nasabing fun run.
“Bilang isang ama at kapwa Isabeleño, napakasakit tanggapin ang ganitong trahedya. Walang magulang ang dapat makaranas ng mawalan ng anak sa ganitong paraan. Nakikiisa ako sa matinding pagdadalamhati ng mga pamilya, at dalangin ko ang mabilis na paggaling ng iba pang mga batang naapektuhan,” ani Dy.
- Latest




















