Nasawi sa pagsabog sa Isabela, 4 na
Napulot na bomba, ipinukpok sa bato
SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Nasawi na rin ang 85-anyos na lola na kabilang sa limang sugatan sa pagsabog ng isang hinihinalang bomba na umano’y napulot ng mga bata at nilaro sa Barangay Sinamar, Roxas, Isabela kamakalawa ng umaga.
Dahil dito, tumaas na sa apat katao ang nasawi sa insidente na kinabibilangan ng tatlong bata na sina alyas Roy, 8; Troy, 8; Ben, 10, at ang panghuli ay si “Lola Rosa”; pawang residente sa nasabing lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, may nakita at napulot umano ang mga bata na “metal” na bagay o hindi pa natukoy na klase ng bomba sa isang drainage canal sa Purok Raniag, Brgy. Sinamar dakong alas-9:00 ng umaga kamakalawa.
Lumalabas na isa sa mga bata ang kumuha ng napulot na bomba at ipinukpok sa bato na naging sanhi para ito ay biglang sumambulat sanhi upang masawi ang tatlong bata at sumunod na namatay sa ospital ang lola na noon ay napadaan lamang sa lugar para pumunta sana umano sa simbahan.
Apat pang menor-de-edad ang agad ang sugatan ang insidente na kasalukuyang ginagamot at inoobserbahan sa ospital.
- Latest




















