Bribery vs Sara balak bitawan ng prosec
MANILA, Philippines — Upang mapabilis ang impeachment trial, plano ng prosecution panel na laktawan na ang kasong bribery sa ilalim ng Article III ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte upang ituon ang atensyon sa mga alegasyong itinuturing nilang pinakamalakas. Target ng mga taga-usig na matapos ang paglilitis sa Disyembre bago pa man sumapit ang Pasko.
“We are considering the dropping of one article… pinag-aaralan namin kung we will proceed na after next week sa unexplained [wealth]. Although wala pa talagang final decision. Pero isa ’yan sa mga kino-consider namin,” pahayag ni House prosecution spokesperson Joel Chua.
Ang tinutukoy ni Chua ay ang artikulo ng impeachment kaugnay sa umano’y pagbibigay ng pera o regalo sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd).
Giit ni Chua, matibay ang unang dalawang artikulo ng impeachment na isinampa, ngunit hindi puwedeng i-drop ang kaso ng unexplained wealth dahil ito ang inaabangan ng publiko.
Una nang naiprisinta ang Article 4 - assassination threat laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez, at Article 1 - umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds ng OVP at DepEd. Susunod na ihaharap ang Article 2- unexplained wealth.
Ayon kay Chua, inaasahang matatapos ng prosekusyon ang presentasyon ng ebidensya sa confidential funds sa susunod na linggo, at target nilang makumpleto ang lahat ng ebidensya sa unang kalahati ng Oktubre.
Plano rin nilang matapos ang depensa sa Nobyembre upang makapaglabas ng desisyon ang Senate impeachment court bago matapos ang taon.
“It does not speak of the weakness… wala namang impeachment na pinahaba. Kung matatandaan ninyo, sa Corona impeachment trial, nag-drop din ng limang Articles,” ani Chua, tumutukoy sa impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012.
Isa ring konsiderasyon ang filing of candidacy para sa 2028 elections na nakatakda sa Oktubre 2027, kaya nais nilang matapos ang impeachment bago iyon.
- Latest





















