Letran, VNS wagi ng tanso sa PNVF Challenge Cup
MANILA, Philippines — Hindi pinaporma ng Colegio de San Juan de Letran ang Philippine Air Force matapos nitong walisin sa tatlong sets, 25-15, 25-23, 25-19 at masungkit ang bronze medal sa battle for third place ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Challenge Cup women’s division na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila, kahapon.
Naging pangunahing armas ng Letran sa opensa si Lea Rizel Tapang kaya nahirang itong Best Player of the Game sa tinikadang 16 points, kasama ang 12 attacks at apat na service aces.
Sa men’s side, nagwagi sa pahirapang laban ang VNS Asereht nang kalusin nila sa deciding fifth set ang National University, 32-34, 23-25, 26-24, 25-23, 15-13 upang hablutin ang bronze medal.
Binuhat ni Philip Bagalay ang VNS upang iahon ang koponan mula sa two sets down sa event na suportado ng Philippine Sports Commission sa pamumuno ni chairman Richard Bachmann, PLDT, Rebisco, Akari, Foton at CBPI.
Umarangkada sa opensa si Bagalay na tumipa ng 33 points mula sa 30 attacks, dalawang blocks at isang service ace para sa VNS na ipinakita ang kanilang tikas sa dikdikang labanan.
Matapos sumadsad sa unang dalawang sets ay kinahon ng VNS ang third at fourth frames para makahirit ng deciding fifth set.
Patuloy na nagliyab ang opensa ni Bagalay kaya naman nasikwat ng VNS ang panalo at ikuwintas ang bronze.
- Latest



















