Philippines wagi ng 2 tanso sa APG

MANILA, Philippines — Umukit ang Team Philippines ng dalawang tansong medalya sa swimming competition ng 4th Asian Para Games na ginaganap sa Hangzhou Olympic Center Aquatic Arena sa Hangzhou, China.
Nanguna sa ratsada ng Pinoy squad sina national para swimmers Ernie Gawilan at Gary Bejino na kapwa umani ng tansong medalya sa kani-kanyang events.
Nagtala si Gawilan ng dalawang minuto at 52.82 segundo para masiguro ang tanso habang nasiguro ng China ang 1-2 punch matapos manguna si Huang Xianquan tangan ang 2:48.34.
Pumangalawa si Yang Huaqiang na may 2:50.73.
“Hindi ko man po na-depensa ang event ko, nagpapasalamat na rin ako na nakagbigay ako ng unang medalya muli sa bayan sa Asian Para Games,” ani Gawilan.
Nais sana ni Gawilan na mapantayan o malampasan ang kanyang tatlong gintong nakuha noong 2018 Asian Para Games na ginanap sa Jakarta, Indonesia.
Nagpasiklab din ang Tokyo Paralympic Games veteran na si Bejino na nakatanso bitbit ang 1:12.76 sa men’s 100-meter freestyle S6 event.
- Latest



















