Gilas tinambakan ang Malaysia

MANILA, Philippines — Rumatsada ang Gilas Pilipinas sa 94-49 panalo kontra sa Malaysia para sa magandang panimula ng kanilang kampanya sa 32nd Southeast Asian Games sa Morodok Techo Stadium sa Cambodia.
Sumandal ang Nationals sa balanseng atake tampok ang 11 na manlalaro na nakapasok sa scoring board sa panguguna ni Brandon Ganuelas-Rosser na may 15 puntos.
Nagdagdag ng 5 rebounds at 1 tapal si Rosser sa 18 minutong aksyon lang para sa kanyang pambihirang Gilas debut habang bumirada ng 11 markers si naturalized player Justin Brownlee sa kanya ring SEA Games debut.
Nauna nang sumalang sa Gilas si Brownlee noong huling window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers kontra sa Lebanon at Jordan subalit naatasang banderahan ang tangkang higanti ng Gilas sa SEA Games.
Nagdagdag siya ng 2 assists, 4 rebounds at 2 steals sa 15 minuto lang habang may 10 markers din si Arvin Tolentino.
Solido rin ang suporta ni Marcio Lassiter at Mike Phillips na nagtala ng tig-9 na puntos habang pumoste rin ng tig-8 puntos sina CJ Perez at Mason Amos.
Kumaripas agad sa 33-12 ratsada ang Gilas at hindi na lumingon pa nang umabante pa sa hanggang 50 puntos tungo sa 1-0 kartada sa Group A.
Sunod na haharang sa Gilas sa Huwebes ang host na Cambodia.
- Latest
























