Sara bilang ‘public enemy number one’, walang basehan - Malacañang

MANILA, Philippines — Ibinasura ng Malacañang nitong Huwebes bilang “walang basehan” at “walang kuwenta” ang pahayag ng kampo ni Vice President Sara Duterte na itinuturing siyang “public enemy number one” ng administrasyong Marcos.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty .Claire Castro na pagsagot sa naturang alegasyon ay pag-aaksaya lamang ng oras.
“Walang basehan, walang kuwenta, huwag nang pag-aksayahan ng oras,” ani Castro.
Sa isang panayam kamakailan sa media, inakusahan ng spokesperson ni Duterte at abogado na si Salvador Paolo Panelo Jr. ang administrasyong Marcos na ginagawa ang lahat upang pabagsakin ang Bise Presidente.
Binanggit din ni Panelo ang umano’y mga dokumentadong banta sa seguridad laban kay Duterte at sa kanyang pamilya.
Sinagot din ni Castro ang panawagan ni Duterte sa Supreme Court (SC) na muling pag-isipan ang desisyon nitong ibasura ang pinagsama-samang habeas corpus petitions na kumukuwestiyon sa pag-aresto at paglilipat sa kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Castro, dapat dumaan ang Bise Presidente sa tamang legal na proseso kung hindi siya sang-ayon sa naging desisyon ng pinakamataas na hukuman.
“Nagsalita na po ang Supreme Court. Wala pong puwedeng magkuwestiyon sa pamamagitan lang ng pagsasalita sa media,” ani Castro.
- Latest















