Iba pang yaman ni VP Sara sisilipin

Bukod sa dollar accounts
MANILA, Philippines — Posibleng may iba pang ari-arian si Vice President Sara Duterte bukod sa P817.87 milyong yaman na iniuugnay sa impeachment case, ayon sa House prosecution panel.
Sinabi ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng prosekusyon, na ang mga dollar-denominated account ng Bise Presidente ay hindi kabilang sa mga dokumento at ebidensyang sinuri sa ilalim ng Article II ng impeachment complaint na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth.
Ayon kay Adiong, ang kumpirmasyon ng Bank of the Philippine Islands (BPI) na may dollar accounts si Duterte ay nagpapakita ng posibilidad na mayroon pang ibang ari-ariang hindi naideklara o hindi naisama sa reklamong impeachment.
“At yung dollar accounts ang nagpapatunay na mayroon pang mga possible na asset o yaman na hindi pa naideklara o hindi nasali sa complaint ng Article II ng unexplained wealth,” ani Adiong.
Nauna nang ipinaalam ng BPI sa Senate impeachment court na may dollar-denominated accounts ang Bise Presidente. Gayunman, hindi naisama ang detalye ng mga balanse at transaksyon nito dahil ang mga inilabas na subpoena ay nakatuon lamang sa kanyang mga peso account.
Nilinaw naman ni Adiong na hindi bahagi ng orihinal na reklamo ang mga dollar account at hindi ito isinama sa mga ebidensyang iniharap ng prosekusyon.
Aniya, dahil sa pagiging confidential ng foreign currency deposits sa ilalim ng Republic Act No. 6426, mas mahirap itong masuri kumpara sa mga account na saklaw ng Bank Secrecy Law, na may eksepsiyon para sa mga kasong impeachment.
“Ang amin pong observation is hindi lang po iyon ang maaaring asset ng Vice President, mayroon pang possible na iba,” paliwanag ni Adiong.
- Latest















