Pondo sa ASEAN Creative Hub, dagdagan - Benitez
MANILA, Philippines — Nanawagan si Negros Occidental 3rd District Rep. Javier Miguel “Javi” Benitez na dagdagan ang pondo para sa ASEAN Center of Excellence for Creative Industries (ACE-CI) matapos italaga ang Pilipinas bilang punong-abala ng naturang sentro.
Ayon kay Benitez, chairman ng House Special Committee on Creative Industries, malaking oportunidad ito para mapalakas ang creative sector ng bansa at mapalawak ang kooperasyon ng mga bansang miyembro ng ASEAN sa pananaliksik, pagbuo ng polisiya, pagsasanay at pagpapaunlad ng industriya.
Pinagtibay ng mga lider ng ASEAN ang deklarasyon na nagtatakda sa Pilipinas bilang host ng ACE-CI sa katatapos na ASEAN Summit.
Binanggit din ni Benitez na umabot sa P2.12 trilyon ang ambag ng creative economy sa ekonomiya ng bansa noong nakaraang taon at nakapagbigay ito ng trabaho sa 8.7 milyong Pilipino.
Gayunman, aniya, hindi pa rin sapat ang suportang natatanggap ng sektor. Aniya, P50 milyon lamang ang inilaan sa Malikhaing Pinoy Program ng Department of Trade and Industry para sa kasalukuyang taon.
“We do the work well, but we own too little of what comes out of it,” ani Benitez.
Hiniling din ng kongresista na tiyaking hindi lamang sa Metro Manila mararamdaman ang benepisyo ng bagong ASEAN center kundi maging sa iba pang creative hubs sa mga rehiyon gaya ng Baguio, Naga, Iloilo, Tacloban, Cagayan de Oro at Zamboanga.
- Latest



















