Optional retirement na 56 sa gobyerno, aprub sa Kamara
MANILA, Philippines — Inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 10995 na naglalayong ibaba ang optional retirement age ng mga kawani ng pamahalaan mula 60 tungo sa 56 taong gulang.
Nakapasa ang panukala sa botong 209 pabor, walang tumutol at isang abstention matapos bigyan ng prayoridad ni Speaker Faustino “Bojie” Dy at isulong sa plenaryo ni Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.
Sa ilalim ng panukala, maaaring magretiro sa edad na 56 ang isang miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) kung mayroon itong hindi bababa sa 15 taong serbisyo sa gobyerno at hindi tumatanggap ng buwanang pensiyon dahil sa permanent total disability. Mananatili rin ang pagtanggap nila ng retirement benefits mula sa GSIS.
Layunin ng panukala na mabigyan ng opsyon ang mahigit isang milyong kawani ng gobyerno na makapagretiro nang mas maaga upang magkaroon ng mas maraming panahon para sa kanilang pamilya at matamasa ang bunga ng kanilang paglilingkod sa bayan.
Ayon sa mga may-akda, magbibigay rin ito ng pagkakataon sa mga retiradong empleyado na makapagsimula ng bagong kabuhayan, negosyo o iba pang personal na interes habang aktibo pa ang kanilang kalusugan.
Inaasahan ding makalilikha ito ng mas maraming bakanteng posisyon sa pamahalaan, na magbubukas ng oportunidad para sa mga nakababatang kawani na makakuha ng permanenteng trabaho at promosyon sa serbisyo publiko.
Binigyang-diin din ng mga nagsulong ng panukala na kaayon ito ng umiiral na retirement age ng mga sundalo na 57 taon at ng mga unipormadong tauhan ng Philippine National Police (PNP) na 56 taon.
Umaasa naman ang Kamara na bibigyan din ng prayoridad ng Senado ang panukala upang tuluyan itong maisabatas at mapakinabangan ng mga kwalipikadong kawani ng gobyerno.
- Latest
















