300 variety ng bougainvillea...Annalyn Hernandez Garden
Ngayong araw na ito ay ibabahagi ko po sa inyo ang isang garden na may 300 iba’t ibang variety ng magagandang bougainvillea na nagsimula lamang sa isang libangan pero ngayon ay isa nang umuunlad na kabuhayan.
Ang aking tinutukoy ay ang Annalyn Hernandez Garden na pag-aari ni Pastor Roberto Hernandez at wife na si Annalyn na makikita sa 509 Looban St., Siling Matanda, Pandi, Bulacan.
Ayon kay Pastor Roberto, mahilig sa flowering plant ang kanyang misis na si Annalyn kaya ipinagtanim niya ito ng bougainvillea na sa isang puno ay lima hanggang pitong variety na may iba’t ibang kulay ng bulaklak.
“Libangan lang namin noong una dahil mahilig sa bulaklak si misis at ipinagtanim ko siya, hanggang marami ang nagandahan at natuwa sa aking gawa kaya marami ang nag-inquire at bumili,” ani Pastor Roberto.
Ngayon ang dating libangan ay isa nang umuunlad na kabuhayan.
Ginamit ni Pastor Roberto ang kanyang pagi-ging agriculturist kaya magaganda at malulusog ang kanilang mga tanim.
Nasa 30-years nang nagtatanim ng iba’t ibang bougainvillea si Pastor at gumagawa ng iba’t ibang design base sa request ng kanilang mga kostumer.
Maliliit lang na kung tawagin ay topiary ang mga tanim ni Pastor Roberto na mamamangha ka kapag inyong personal na makita.
Ayon kay Pastor Roberto, gustong-gusto ng bougainvillea na sa direct sunlight ito itatanim at kapag gusto mong maglabas ng maraming flower ay i-water stress mo ito.
“Bukod sa negosyo na namin ngayon ito ay family bonding pa namin dahil ako ang nagtatanim habang si misis ay sa marketing at ang dalawang anak namin ang in-charge sa delivery,” ani pastor.
Dahil sa pagbo-bougainvillea ay nakatapos na sa kolehiyo ang panganay na anak nina Pastor Roberto habang papatapos na rin ang bunso. Nakapagpatayo na rin ng bagong tahanan ang mag-asawang Hernandez.
“Malaking biyaya ng Panginoon sa amin ang pagtatanim, pag-aalaga at pagbebenta ng bougainvillea. Ito na rin ang source of income namin,” sabi pa ni Pastor Roberto.
Ang inyong Magsasakang Reporter ay nakarating na ng personal at nakita ang mga “amazing” na tanim ni Pastor Roberto na mistulang paraiso.
Sa mga nais bumili ng magaganda, organized at iba’t ibang variety ng bougainvillea ay magpadala lamang po kayo ng mensahe sa kanilang FB page na Annalyn Hernandez Garden or mag-text sa kanilang cell number na 0936-580-2642.
Samantala, para sa iba pang tips at sikreto sa pagtatanim ng iba’t ibang uri ng halaman sa pamamagitan ng organikong pamamaraan ay maari po kayong manood ng aking TV program na Masaganang Buhay tuwing Linggo, alas-7:00 hanggang alas-8:00 ng umaga sa OnePH Cignal TV, Channel 1 ng TV-5. Mapapanood din sa RPTV, Facebook at Youtube.
Maaari rin kayong manood, mag-subscribe at mag-follow sa aking Youtube Channel na ANG MAGSASAKANG REPORTER at Facebook profile na Mer Layson at Facebook page na Ang Magsasakang Reporter, TV host Vlogger, Tiktok na Magsasakang Reporter para sa iba pang kaalaman at impormasyon sa pagtatanim ng iba’t ibang uri ng halaman sa pamamagitan ng organikong pamamaraan.
Tuwing araw ng Martes ay regular ninyong mababasa ang aking kolum dito sa Pilipino Star Ngayon (PSN) ng Star Media Group of Publications.
Sa mga tanong at komento ay maaari ninyo akong i-text, huwag po tawag, sa 09178675197. STAY SAFE, SALAMAT PO, HAPPY FARMING, GOD BLESS US ALL.
- Latest















