Bus bumaliktad, sinalpok ng pickup: 20 sugatan
MANILA, Philippines — Nasa 20 katao ang naitalang nasugatan makaraang sumalpok ang isang pickup truck sa isang bumaligtad na pampasaherong bus sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Baruyen, Bangui, Ilocos Norte, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng Ilocos Norte Provincial Police Office (PPO), nangyari ang insidente dakong alas-5 ng hapon sa nasabing lugar noong Sabado.
Ayon sa imbestigasyon, bumabagtas ang isang pampasaherong bus na tumatahak sa direksiyon ng Laoag City-Pagudpud route nang mangyari ang sakuna.
Nasiraan umano ng preno ang bus bunsod upang bumaligtad ito sa bahagi ng national highway sa pakurbadang bahagi ng nasabing lugar.
Tinangka umanong iwasan ng driver ng pampasaherong bus na patungo sa hilagang direksiyon ang nasabing kulay pulang pickup truck pero napunta naman ito sa kabilang linya nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver hanggang sa bumaliktad.
Hindi na rin nakaiwas pa ang pickup truck at tuluy-tuloy na nasalpok ang bumaligtad na bus na may lulang ilang pahinante sa bumaligtad na bus.
Ang mga nasugatan ay mga sakay ng bus at ng pickup truck na mabilis namang isinugod sa Bangui District Hospital para malapatan ng lunas.
- Latest















