Respicio hinamon ng malacanang: alegasyon ng korapsyon, patunayan!
MANILA, Philippines — Hinamon ng Malacanang si Reine Mercedes, Isabela Vice Mayor Harold Respicio na magharap ng ebidensya kaugnay sa akusasyon nitong ginagamit sa mga “ghost project” ang bahagi ng lokal na pamahalaan mula sa nakokolektang excise tax sa tabako.
Sinabi ni Palace Communications Officer Claire Castro na si Respicio, bilang siyang nagbukas ng isyu at naghagis ng mga akusasyon, ay malamang na may hawak na ebidensyang susuporta sa kanyang mga pahayag.
“May mga paraan upang panagutin ang mga sangkot (sa mga iregularidad). Kung may inaakusahan ng isang bagay, dapat may ebidensya,” ani Castro sa isang press briefing sa Singapore.
Dagdag ni Castro, tila nakabuo na ng konklusyon si Respicio, batay sa kumalat na video kung saan inaakusahan nito ang ilang lokal na opisyal ng mga maling gawain.
Magugunita na sa ginanap na sesyon ng Sangguniang Bayan ng Reina Mercedes kaugnay sa paggamit ng P66 milyong tobacco excise tax funds, makikita sa viral video sa social media na nakipagtalo, nakipagsigawan at nakipagmurahan si Respicio sa mga barangay captains kabilang ang isang opisyal na dinuro at inakusahan nitong magnanakaw.
Ayon kay Castro, maaaring lutasin ang mga isyu ng korapsyon nang hindi kinakailangang sumigaw, magmura o maghangad ng kamatayan sa sinuman.
- Latest















