Pagkalat ng ‘pneumonic plague’ sa Pinas, may ‘zero possibility’

MANILA, Philippines — Iginiit ng infectious disease expert na si Dr. Rontgene Solante na halos imposibleng makarating at kumalat sa Pilipinas ang pneumonic plague, sa gitna ng pangamba kaugnay ng pagkamatay ng isang laboratory technician sa Russia.
Ayon kay Solante, wala pang kumpirmasyon mula sa Russian government na pneumonic plague ang sanhi ng pagkamatay ng nasabing empleyado. Aniya, bihira ang sakit na ito at karaniwang nagaganap lamang sa mga lugar na may partikular na daga o pulgas na nagdadala ng bakterya.
Ipinaliwanag niya na ang pneumonic plague ay dulot ng Yersinia pestis bacterium at mas malubhang uri ng plague na nakaaapekto sa baga. Maaari itong maipasa sa tao sa pamamagitan ng respiratory droplets, hindi tulad ng bubonic plague na karaniwang naihahawa sa kagat ng pulgas.
Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, ubo at hirap sa paghinga. Mas mabilis din umano itong lumala kaysa karaniwang pneumonia kaya mataas ang tsansa ng pagkamatay kung hindi agad malulunasan.
Gayunman, nilinaw ni Solante na nagagamot ang pneumonic plague at may mabibisang gamot laban dito. Naniniwala rin siyang malabong magdulot ito ng pandaigdigang pagkalat.
Matatandaang namatay ang isang laboratory technician sa Russia na hinihinalang nalantad sa sakit matapos masira ang isang test tube. Gayunman, sinabi ng World Health Organization (WHO) na nananatiling mababa ang public health risk at wala pang senyales ng outbreak sa bansa.
- Latest
























