Voting threshold, inungkat sa Impeachment Court

MANILA, Philippines — Inungkat ni Senator-judge Erwin Tulfo sa ika-23 araw ng impeachment trial kung mananatili pa rin ang 16 na boto bilang pamantayan upang mahatulan ng guilty si Vice President Sara Duterte.
Itinaas din ni Tulfo ang tanong kung papayagan pa ring bumoto ang mga senador na hindi dumadalo sa mga pagdinig. Ang 16 na boto ay katumbas ng two-thirds ng kabuuang 24 na miyembro ng Senado, gaya ng nakasaad sa 1987 Constitution.
“My question is, are we going to allow them to vote? Are we going to accept their votes even though they’re not attending this trial or is it automatic to say their votes will be ‘no’?” ani Tulfo.
Hindi nakakadalo sa trial ang mga nakakulong na sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Rodante Marcoleta, gayundin ang nagtatagong si Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa. Palagi ring absent si Sen. Loren Legarda dahil sa medical leave.
Nilinaw ni Tulfo na nais niyang mabigyang-kahulugan ang terminong “all Members” ng Senado na nakasaad sa Article XI, Section 3 ng Konstitusyon: “No person shall be convicted without the concurrence of two-thirds of all the Members of the Senate.”
Ayon kay Tulfo, may mga dating chief justices na nagbigay ng komento hinggil sa voting threshold, partikular kung ang tinutukoy bang “all members” ay ang mga aktuwal na present lamang sa panahon ng paglilitis.
Inihayag ni Escudero na kokonsulta ang Senado sa mga amici curiae o friends of the court upang magbigay ng opinyon sa naturang usapin. Ihaharap sila sa korte sa Setyembre 16, isang araw na walang nakatakdang paglilitis.
Isasagawa naman ang oral arguments sa Setyembre 23, na susundan ng botohan sa parehong araw. Tumanggi si Escudero na pangalanan ang mga posibleng magsilbing amici curiae dahil hindi pa umano sila nakakausap.
- Latest




















