Kelot na tumangay ng iPad, natunton sa GPS
MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang 34-anyos na lalaki matapos matunton sa aktibong Global Positioning System (GPS) feature ng ninakaw na iPad sa isang bahay sa Barangay Greater Fairview, Quezon City, ayon sa ulat nitong Sabado.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director, PBGen Randy Glenn Silvio, ang suspek na si alyas “Bong,” 34, na agad natunton ng mga operatiba ng Fairview Police Station (PS-5), sa pamumuno ni PLt. Col. Albert Jefferson Relente dahil sa aktibong GPS feature ng ninakaw na iPad. Pagdating umano ng biktima at ng kanyang anak sa kanilang bahay alas-6:30 ng umaga noong Huwebes (Agosto 20), ay natuklasang sira na ang kandado ng pinto ng kanilang bahay.
Nang suriin ang loob ng bahay, napag-alamang nawawala ang ilang personal na gamit kaya agad ini-report sa PS-5 na agad namang nagsagawa ng follow-up investigation at operasyon.
Lumilitaw na nakitang aktibo pa ang GPS location-tracking feature ng ninakaw na iPad A16 kaya agad tinungo ang lokasyon nito ng mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek alas-3 ng hapon noon ding Agosto 20, sa Pasong Putik, Quezon City.
Narekober mula sa suspek ang isang iPad A16, isang G-Shock na relo, isang iPhone 16, isang aktibong GCash card, isang HP backpack, at isang kulay-mustasa na Michael Kors wallet na may kabuuang tinatayang halagang P51,600. Sasampahan ang suspek ng kasong Robbery sa Quezon City Prosecutor’s Office.
- Latest
























