18 ex-Marines nagtatago na – UPI

MANILA, Philippines — Nagtatago ngayon ang 18 nagpakilalang ex-Marines at “bagmen” ni dating congressman Zaldy Co, dahil sa banta umano sa kanilang seguridad.
Sinabi ni Rey Valeros Jr., secretary-general ng United People’s Initiative (UPI), isang grupo ng mga dating opisyal at tauhan ng militar na sumusuporta sa mga dating sundalo, nakatanggap ng mga pagbabanta sa seguridad ang 18 ex-Marines.
“Dahil sa security threat, kailangan hindi sila maging visible lagi,” ani Valeros.
Nabatid na hindi dumalo ang 18 na nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Marine Corps, sa awarding ceremony sa San Juan City, kung saan sila ay dapat bibigyan ng pagkilala dahil sa katapangan sa ginawang pagbubunyag ng umano’y anomalya.
Hindi rin umano dumalo si Army Colonel Audie Mongao, na sinibak sa pwesto matapos ang pagbawi ng suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at si dating Marine Orly Guteza, na nag-akusa kay dating House Speaker Martin Romualdez na isinangkot sa anomalya ng flood control projects.
“Maraming nagsasabi na sila raw ay dishonorably discharged pero hindi po iyon ang isyu. Sinisiraan sila, minamaliit, pero hindi po iyon ang isyu. Ang isyu po ay ang pagnanakaw ng mga pulitiko,” pahayag ni retired Air Force General Romeo Poquiz, convenor ng UPI.
Aminado si Valeros na binibigyan nila ng security at financial support ang 18 dating sundalo sa tuwing sila ay lalabas.
Kahit nagtatago, tiniyak ni Valeros na handang humarap ang mga sundalo sa anumang imbestigasyon kung sakaling ituloy ito ng Senado, Kamara, o ng Office of Ombudsman.
- Latest

















