Reklamo ni Mans Carpio sa bank records, ibinasura

MANILA, Philippines — Ibinasura ng Quezon City Office of the City Prosecutor ang reklamong inihain ni Atty. Manases “Mans” Carpio laban sa ilang mambabatas at opisyal ng gobyerno kaugnay ng pagbubunyag sa bank records nila ng kanyang asawang si Vice President Sara Duterte.
Ayon sa abogado ni Carpio na si Atty. Peter Paul Danao, tanggap nila ang naging resolusyon ng QCPO nitong Setyembre 7 sa pagbasura sa reklamo dahil na rin sa kawalan ng hurisdiksyon.
Gayunman, iginiit ni Danao na hindi ito nangangahulugan na pinal na paghatol sa merito ng mga alegasyon ni Carpio. Aniya, hinihintay pa nila ang opisyal na kopya ng resolusyon at pinag-aaralan ang mga susunod na legal na hakbang.
Sinabi rin ni Danao na maaari pa ring muling ihain ni Carpio ang reklamo sa Office of the Ombudsman, na tinukoy ng QC prosecutor bilang tamang forum dahil sa usapin ng hurisdiksyon.
Naghain ng reklamo si Carpio noong Abril laban sa ilang mambabatas, Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remolona Jr. at Anti-Money Laundering Council Executive Director Ronel Buenaventura matapos ibunyag sa pagdinig ng House Committee on Justice ang mga transaksyong pinansyal na iniuugnay sa mag-asawang Duterte-Carpio.
Ayon sa AMLC, may mga “suspicious” at “covered” bank transactions na umaabot sa P6.77 bilyon na iniugnay kina Duterte at Carpio sa loob ng halos 20 taon.
Malugod namang tinanggap ng House prosecution nitong Miyerkules ang desisyon ng QC Prosecutors na ibasura ang petisyong inihain ni Carpio upang pigilan ang pagsisiwalat ng kanilang mga rekord ng transaksiyon sa bangko.
Ayon kay prosecutor at Manila City Rep. Joel Chua, napapanahon ang desisyong ito ngayong nakatakdang talakayin sa impeachment trial ang mga alegasyon hinggil sa hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente.
Sinabi ni Chua na inaasahan na nila ang pagbasura ng QC Prosecutor sa reklamo dahil, aniya, ang reklamong inihain ni Carpio ay malinaw na naglalayong mang-harass hindi lamang sa mga miyembro ng House of Representatives kundi maging sa mga saksi na haharap sa Senate Impeachment Court sa susunod na linggo.
“Inaasahan naman natin na talagang madi-dismiss ito dahil, unang-una, malinaw na harassment lamang ito sa amin habang ginagampanan namin ang aming tungkulin. Pangalawa, wala naman talagang sapat na batayan ang kanyang reklamo. At ikatlo, ginawa namin ito bilang bahagi ng aming trabaho noong nagsasagawa kami ng committee hearing, kaya alam naman natin na saklaw ito ng immunity,” ani Chua.
Ayon kay Chua, maaari nang magpatuloy ang prosecution sa paglalahad ng kaso sa ilalim ng Impeachment Article II, o ang alegasyon na nagkamal umano si Duterte ng hindi maipaliwanag na yaman, nang walang legal na hadlang—lalo na para sa mga saksi na nakatakdang tumestigo.
Ayon kay Chua, humigit-kumulang 10 saksi mula sa pamahalaan at mga pribadong indibidwal, gayundin ang hindi bababa sa 15 kinatawan ng mga institusyong pampinansyal, ang nakatakdang tumestigo hinggil sa mga rekord ng bangko ng mag-asawang Duterte-Carpio, mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente, at kanilang mga interes sa negosyo. — Angie Dela Cruz
- Latest

























