Guteza hindi na mahagilap - Lacson
MANILA, Philippines — Balak hingin ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang tulong ni Sen. Rodante Marcoleta sa paghahanap sa “surprised witness” na si Orly Guteza.
Sa panayam ng One News strorycon kay Lacson nitong Lunes ng gabi, sinabi nito na hindi na matagpuan si Guteza, ang testigong iniharap ni Marcoleta sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon tungkol sa mga maanomalyang flood control projects.
Sinabi ni Lacson na hindi makita si Guteza sa kanyang rehistradong tirahan.
Ipinaliwanag ni Lacson na kung sakaling siya ay muling mahalal bilang pinuno ng komite, ipapatawag si Guteza sa pagpapatuloy ng pagdinig.
Maaari ring gamitin ang Manila Regional Trial Court upang hanapin si Guteza, na dating nagtrabaho bilang security aide ni dating Rep. Elizaldy Co.
Matatandaan na sinabi ni Guteza sa komite na naghatid siya ng mga maleta na puno ng pera sa bahay ni dating House Speaker Martin Romualdez.
Pareho silang iimbitahan sa mga pagdinig.
Ayon kay Lacson, natuklasan din ng executive judge ng Manila RTC na ang lagda ng abogado sa affidavit ni Guteza ay peke.
Dahil si Marcoleta ang nagpakilala sa resource person, sinabi ni Lacson na hihingi ang panel ng tulong sa senador sa paghahanap kay Guteza. Maaari ring lapitan ng Senado ang Marines, dahil sa background ni Guteza.
“Magpapadala kami kay Guteza ng subpoena sa pamamagitan ng opisina ni Sen. Marcoleta,” ani Lacson.
- Latest

















