^

Bansa

'Red-tagging' ng gov't official nagpahinto sa 2021 PCOO budget hearing

James Relativo - Philstar.com
'Red-tagging' ng gov't official nagpahinto sa 2021 PCOO budget hearing
Kuha nina Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at PCOO Undersecretary Lorraine Badoy
Philstar.com/Ian Nicolas Cigaral; PCOO/Mac Villarino

MANILA, Philippines — Suspendido ang 2021 budget deliberation ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), Miyerkules, matapos ireklamo ng ilang militanteng mambabatas ang Communications undersecretary sa pag-uugnay sa kanila sa mga "terorista."

Tinutukoy ng Makabayan bloc ang ginagawang "red-tagging" ni PCOO Undersecretary Lorraine Badoy sa mga ligal na aktibista, bagay na madalas niyang gawin sa Facebook at pangangampanya sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

"Tinatawag kaming terorista. She (Badoy) cannot deny that. In her comment she said 'They are not activists, They are terrorists.' Kung ganun lang mag-aakusa sa elected official at humihingi sila ng budget dito, we cannot allow that," galit na tugon ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate sa Kamara.

"We may differ on our positions and many issues... but this unelected factotum should respect that. I take offense that she is using her position, using government funds, to attack our person and encourage the trolls to attack... even our family."

Pinagbigyan naman ng House Committee on Appropriations ang mosyon ng Makabayan bloc na isuspindi ang budget brieding ng PCOO "until further notice."

Sa sistemang ligal (jurisprudence) ng Pilipinas, tumutukoy ang "red-tagging" sa:

"[A]kto ng pagbabansag, pagtawag o pag-akusa sa mga indibidwal at/o organisasyon bilang maka-Kaliwa, subersibo, komunista o terorista [bilang estratehiya]... ng mga ahente ng estado, lalo na ang mga law enforcement agencies at militar, laban sa mga tinitignan bilang 'banta' o 'kaaway ng Estado.'"

Ginagawa ito ni Badoy matapos maipasa ang kontrobersyal na Anti-Terror Act of 2020, bagay na napupuna dahil sa laya ng Anti-Terrorism Council (ATC) na magbansag kung sino ang "terorista," kulong hanggang 24 na araw nang walang pormal na kaso at pagtatanggal sa P500,000 na danyos perwisyos sa ikukulong at pararatangang terorista ngunit inosente.

Basahin: Ano ang 'Anti-Terror Bill' at bakit may mga tutol dito?

May kaugnayan: Why is red-tagging of activists dangerous?

Akusasyon, atake, kasinungalingan

Dalawang araw pa lang ang nakakaraan nang paratangang ni Badoy na matataas na ranggong kasapi ng Communist Party of the Philippines (CPP), New People's Army (NPA), at National Democratic Front (NDF) sina:

  • Gabriela Rep. Arlene Brosas
  • Alliance of Concerned Teachers Rep. France Castro 
  • Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat
  • Bayan Muna Rep. Carlos Zarate
  • Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite
  • Kabataan Rep. Sarah Elago

"[S]ila ay... gumagabay at nagbibigay ng tahasang direktiba sa armadong braso nito, ang teroristang New People’s Army, at sa mga nagkukunwaring ligal na prente nito sa ilalim ng pangangalaga ng National Democratic Front, para wasakin ang ating gobyerno at patayin ang demokrasya," sambit niya noong linggo.

BASAHIN | Ang mga representante ng Makabayan Bloc na sina Arlene D. Brosas ng GABRIELA, France L. Castro ng Alliance of...

Posted by National Task Force to End Local Communist Armed Conflict on Monday, September 7, 2020

Binabanggit niya 'yan kahit ligal ang CPP at pagsapi rito sa ilalim ng Republic Act 7636, matapos ma-repeal ang Anti-Subversion Law.

Bago ito, matatandaang tinawag din niyang "kasabwat ng mga komunistang terorista" ang madreng si Sister Mary John Mananzan, chairperson emeritus ng Gabriela.

Pinagtatawag din niyang "prenteng organisasyon ng mga teroristang komunista" ang ilang media groups, dahilan para maging "karapat-dapat" lang daw ang ilang atake ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mamamahayag.

Enero 2020 naman nang mabistong nagpapaskil ng gawa-gawang statement kuno ng isang aktibistang organisasyon si Badoy, bagay na napatunayang imbento.

May kaugnayan: Sister Mary John Mananzan is not 'leader for life' of a 'communist terrorist' group

Basahin: Anti-communist gov't task force posts false quote of Anakbayan spokesperson

Andanar dumistansya sa mga paskil ni Badoy

Agad namang dinepensahan ni PCOO Secretary Martin Andanar ang kanyang ahensya, lalo na't hindi raw dapat madamay sa pagkakaipit ng budget ang buong departamento.

"That is her (Badoy's) own post on her page & that should not affect the rest of the PCOO including the agency’s budget because these agencies, these monies, is for the Executive branch to be able to disseminate info especially during pandemic," ani Andanar, na isang dating  news anchor.

Ipinaalala rin ni Zarate kung paanong nakapag-iimbita ng peligro sa buhay ang ginagawa ng tauhan ni Andanar, gaya na lang ng sinapit ng 39-anyos na aktibistang si Zara Alvarez nitong Agosto sa Bacolod City.

"She (Alvarez) was shot. 'Yung mukha niya nasa tarpaulin, rined-tag, and you cannot just say, Ms. Badoy, na walang implication at walang mangyayari sa rinered-tag ninyo and you have to be responsible for your postings," sambit pa niya.

Kanina lang din nang depensahan ni Budget Secretary Wendel Avisado ang panukalang budget ng NTF-ELCAC, na ginagamit din pang-atake sa ligal na Kaliwa, sa dahilang sa mga baranggay daw ito ibibigay at hindi sa ahensya.

Basahin: Government defends surge in budget of red-tagging task force

“The projects are identified by barangays themselves. It’s just NTF-ELCAC, being the national secretariat, is the repository of all these projects from the barangays,” ani Avisado.

“The funds are not released to NTF-ELCAC but released to the local government units for them to implement.”

vuukle comment

2021 BUDGET

ACTIVISM

ANTI-TERROR ACT

CARLOS ZARATE

COMMUNIST PARTY OF THE PHILIPPINES

LORRAINE BADOY

MAKABAYAN BLOC

NEW PEOPLE'S ARMY

PRESIDENTIAL COMMUNICATIONS OPERATIONS OFFICE

RED-TAGGING

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with