Ano ang 'Anti-Terror Bill' at bakit may mga tutol dito?
MANILA, Philippines — Pasado na sa ikatlo at huling pagdinig ng Kamara at Senado ang kontrobersyal na Anti-Terrorism Bill, na sinasabi nila ay magbibigay ng pangil sa estado "laban sa mga terorista."
Nangangailangan na lang itong mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa dahilang kinopya lang ng House Bill 6875 ang mga probisyon ng Senate Bill 1083.
Sa declaration of policy ng panukala, sinasaad ang mga sumusunod:
"It is declared a policy of the State to protect life, liberty, and property from terrorism, to condemn terrorism as inimical and dangerous to the national security of the country and to the welfare of the people, and to make any terrorism a crime against the Filipino people, against humanity, and against the law of nations."
Gayunpaman, ilang beses nang No. 1 trending topic sa Twitter at iba pang social media sites ang katagang #JunkTerrorBill, sa dahilang sasagasa raw ito sa karapatang pantao — kahit ng mga hindi terorista.
Bakit nga ba ito tinututulan nang marami?
Warrantless arrest: Sa Section 29 ng panukala, pinapayagan ang mga pulis at militar na ikulong — kahit walang judicial warrant of arrest o kaso — ang mga "pinagsususpetyahang" gumawa, nagpaplanong gumawa, at nakikipagsabwatang gumawa ng terorismo ng hanggang 14 na araw, na maari pang pahabain ng 10 araw pa.
Mas malala pa 'yan sa probisyon ng suspensyon ng writ of habeas corpus (Article VII, Section 18 ng 1987 Constitution), kung saan dapat pakawalan ang sinumang inaresto sa loob ng tatlong araw kung hindi makakasuhan ang suspek. Dahil diyan, tinatawag ng Concerned Lawyers for Civil Liberties (CLCL) na unconstitutional ang gustong gawin ng anti-terror bill.
Walang danyos sa inosente: Tinanggal din ng anti-terror bill ang probisyon ng Human Security Act of 2007 na nagbibigay ng P500,000 danyos perwisyos kada araw sa sinumang suspek ng terorismo na mapatutunayang inosente pala. Pangamba tuloy ng ilan, kahit mapatunayang walang sala ang suspek ay dumanas na sila ng 'di makatwirang pagkakakulong nang walang kapalit.
Paniniktik: Sa Section 16 ng panukala, maaaring i-wiretap nang pasikreto, o tiktikan, ang mga "pinaghihinalaang terorista," sa loob ng 60-araw. Maaari itong palawigin pa nang 30 araw.
(c) any person 10 charged with or suspected of committing any of the crimes defined and penalized under the provisions of this Act
Sinu-sino ang maituturing na terorista?: Tatawaging "terorista" ang mga taong lumalabag sa Section 4 hanggang 12, pati ang mga miyembro ng mga "terrorist organizations" na tinutukoy sa listahan ng United Nations Security Council-Designated Terrorist Organization.
Ang problema para sa marami: Sa ilalim ng Section 25, pwede ring ideklarang terorista ng Anti-Terrorism Council (ATC) ang mga inibidwal, organisasyon o asosasyon basta't may "probable cause" — kahit hindi naman sila korte. Dahil diyan,,tila libreng-libre raw ang ATC na tukuying terorista ang sinuman, kahit ang mga kritiko ng gobyerno at administrasyon.
The ATC may designate an individual, groups of persons, organization, or association, whether domestic or foreign, upon a finding of probable cause that the individual, groups of persons, organization, or association commit, or attempt to commit, or conspire in the commission of the acts defined and penahzed under Sections 4, 5, 6, 7. 8, 9, 10, 11 and 12 of this Act.
Bubuuin ang ATC ng: Executive Secretary (chairperson); National Security Adviser (vice chairperson); Secretary of Foreign Affairs; Secretary of National Defense; Secretary of the Interior and Local Government; Secretary of Finance; Secretary of Justice; Secretary of Information and Communications Technology; Executive Director of the Anti-Money Laundering Council (AMLC) Secretariat at 20 miyembro nito.
Iba pa ito sa proseso ng "proscription" (pagbabawal) ng teroristang grupo, kung saan mag-aapply ang Department of Justice (DOJ) sa Court of Appeals para matawag na terorista at iligal ang isang organisasyon. Pero bago maghain ng aplikasyon, kailangan muna silang bigyang otoridad ng ATC, matapos ang rekomendasyon ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA).
Depenisyon ng "terorismo" sa bill: Pasok sa pakahulugan ng terorismo (Section 4) ang paglulunsad ng mga sumusunod na gawain, sa loob man o labas ng Pilipinas:
- gagawa ng pag-atake o "serious bodily injury" o makapapatay sa sinuman
- atakeng makakapaminsala sa mga pasilidad ng gobyerno, critical infrastructure, pampubliko o pribadong ari-arian na maaaring makapahamak sa buhay o kabuhayan
- paglikha, pagkakaroon, pagkuha at pagsu-suplay ng armas o pasabog
- magpapakawala ng peligrosong kemikal, panununog, pagpapabaha o pagpapasabog na maaaring makapinsala sa buhay ng tao
Magiging teroristang gawain ang mga sumusunod kung makalilikha ito ng takot, "mamimilit o maninindak" ng gobyerno, organisasyon o publiko na gawin ang anumang bagay. Teroristang gawain din ang mga nasa itaas kung ginawa para mag-"destabilize" ng pampulitika, pang-ekonomiko at panlipunang istruktura ng lipunan.
Dahil sa mga pananalitang 'yan, pangamba ng ilan na maaring maging saklaw ang mga grupo na umuudyok sa gobyerno na baguhin ang kanilang mga polisiya.
Habambuhay na pagkakakulong na walang parole ang mga mapatutunayang lalabag dito.
Ligal ba ang protesa?: Depende. Bagama't sinasabing "hindi" terorismo ang pagproprotesta, may kondisyones itong inilalatag:
"[T]errorism as defined in this Section 6 shall not include advocacy, protest, dissent, stoppage of work, industrial or mass action, and other simdar exercises of civil and poitical rights, which are not intended to cause death or serious physical harm to a person, to endanger a person’s life, or to create a serious risk to public safety."
Dahil diyan, maaaring ituring na terorismo ang mga protesta na "may intensyong" gumamit ng pwersa o makapanakit. Kwestyon din ng ilan kung teroristang gawain ba kung magkagirian sa pagitan ng pulis at aktibista, na nangyayari paminsan-minsan sa mga rally.
Kahit 'di gumawa ng terorismo, kulong: Sa Section 9 ng panukala, maaaring makulong nang 12 taon kahit "nanghikayat" ka lang at hindi direktang gumawa ng "terorismo":
"Inciting to Commit Terrorism — Any person who, without taking any direct part in the commission of terrorism, shall incite others to the execution of any of the acts specified in Section 4 hereof by means of speeches, proclamations, writings, emblems, banners or other representations tending to the same end, shall suffer the penalty of imprisonment of twelve (12) years."
Una nang tiniyak nina presidential spokesperson Harry Roque, Senate President Vicente "Tito" Sotto III at Department of the Interior and Local Government na hindi aabushin ng estado ang panukala kung maisasabatas, kahit iginiigiit ng gobyerno na "iisa" ang layunin ng ligal na Kaliwa at armadong New People's Army — na tinatawag nilang terorista.
Wika pa ni Sotto at Roque, marami naman daw "safeguards" ang panukala at hindi basta-basta magagamit laban kung kani-kanino — kahit tinanggal ng mga mambabatas ang ilang safeguards sa ipinasa ng lehislatura.
- Latest