Purisima huwag na raw pabalikin
MANILA, Philippines – Sinabi kahapon ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na hindi na dapat pang pabalikin sa puwesto si Philippine National Police Chief Alan Purisima kapag natapos na ang suspension order dito ng Ombudsman.
Ayon kay Colmenares, hindi na magiging kapani-paniwala bilang hepe ng PNP si Purisima, kahit sa ibang PNP personnel, kung totoong hindi nito sinunod ang suspension order ng Ombudsman habang sumunod naman sa United States.
Bukod dito maaari din kuwestiyunin ang loyalidad ni Purisima matapos itong sumunod sa dikta ng US sa halip kay Acting PNP Chief Gen. Espina.
Nanatili namang tahimik si Purisima habang ilang araw ding nagkakaproblema sa buong Philippine National Police dahil sa balitang may direktang kinalaman ito sa operasyon sa Mamasapano at sinunod ang kautusan ng US na huwag makipag-coordinate sa ibang units para suportahan ang SAF.
Iginiit ni Colmenares na, kung totoong magaling na lider sina Presidente Aquino at Purisima, dapat na akuin nila ang kanilang responsibilidad sa madugong operasyon sa halip na sisihin pa ang Special Action Force.
Samantala, sinuportahan naman nito ang panawagan ni Senador Teofisto Guingona III na magkaroon ng isang independent commission na mag-iimbestiga sa pagpatay sa 44 SAF men sa halip na PNP Board of Inquiry dala na rin sa ulat nang pagkakasangkot ng US sa naturang operasyon.
- Latest