Pagkalas ni Mans Carpio sa Cale88, pinagdudahan
MANILA, Philippines — Pinagdudahan ng prosecution panel ang tiyempo nang biglaang pag-alis ni Atty. Manases “Mans” Carpio na binawi umano ang puhunan sa Cale88 Foods Corporation na nasa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng misis nitong si Vice President Sara Duterte na isa sa interes ng kaniyang negosyo.
Ito ang inihayag nina Deputy Speakers Janette Garin ng Iloilo at Jefferson Khonghun ng Zambales, igiit na dapat suriing mabuti ang paglilipat ng pagmamay-ari lalo na matapos na mabigo ang Cale88 na humingi ng paunang pag-aapruba mula sa Board of Investments (BOI).
Base sa 2024 General Information Sheet ng Cale88, kinilala si Carpio bilang shareholder na may 47.5% na bahagi (stake) pero hindi na lumabas ang kanyang pangalan sa listahan ng mga shareholder sa 2025 filing ng kumpanya matapos naman ang anunsyo na isasalang sa impeachment si VP Sara.
Kinuwestiyon ni Khonghun kung bakit naganap lamang ang paglilipat ng pagmamay-ari nang magsimulang makakuha ng atensyon ang mga paratang ng hindi maipaliwanag na paglobo ng kayamanan ni VP Sara na bahagi ng Article II na nililitis sa impeachment court.
Nabatid na ipinagbigay-alam ng kumpanya sa BOI ang pagbabago sa pamamagitan ng isang kahilingan na may petsang Hulyo 8, 2026, na inaprubahan naman ng ahensiya noong Oktubre 29.
Nagdulot din ng pagdududa ang nasabing paglilipat matapos tumestigo ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na wala itong nakitang rekord na sumasaklaw sa pagbebenta o paglilipat ng mga shares ni Carpio sa Cale88.
- Latest
















