^

PSN Opinyon

Wala nang pag-asa?

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

SINENTENSIYAHAN na ba ni President Duterte ang lahat nang gumagamit o gumamit ng shabu? Ayon sa kanya, wala na raw pag-asa para sa rehabilitasyon at maayos na buhay ang mga nalulong sa shabu, dahil maaaring lumiit na raw ang kanilang mga utak. Ang kanyang impormasyon ay nakuha umano sa ilang Amerikano. Dahil mga kemikal ang ginagamit sa paggawa ng shabu, mas masama raw ang epekto sa katawan kumpara sa cocaine at heroin na gawa sa mga halaman. Wala na raw maitutulong ang rehabilitasyon. Ito ba ang dahilan kung bakit napakaraming mga adik ang napapatay ngayon, iba kahit sumuko na, nagpalista na at lahat, dahil wala na silang pag-asa at wala na umanong silbi sa lipunan, sa kanilang pamilya? Kailangang banggitin din na karamihan, o halos lahat ay mahihirap o ordinaryong tao lang.

Siguro kung ang kanyang mga datos at impormasyon ay galing sa mga rehabilitation centers na humawak ng mga nalulong sa shabu, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Kung mataas nga ang bilang ng mga tinatawag na “backsliders”, o mga dumaan na sa rehabilitasyon pero bumalik ulit sa pagiging adik. Kung mataas ang porsiyento ng “backsliders”, baka puwedeng sabihin na wala na silang pag-asa.

Pero may mga dumaan sa maayos na rehabilitasyon, iba sa ibang bansa pa nga, na maayos na ang buhay. Walang rehab center ang magsasabing wala nang pag-asa ang isang lulong sa shabu. Para sa kanila, lahat ay may pag-asa, lahat ay dapat bigyan ng pagkakataong magbago, sa pamamagitan ng magandang programa ng rehabilitasyon at tulong at pagmamahal ng pamilya. Aaminin ko na ang mga nakakapag-rehabilitasyon ay ang mga maykaya, dahil mahal din ang magpasok sa rehabilitation centers. Ang problema ay hindi kaya ng gobyernong ipasok ang lahat sa mga rehab centers. Kaya ba tila sentensiya na ngayon sa mahihirap o ordinaryong tao kapag makilalang gumagamit ng shabu?

Natatandaan ko ang kasabihan noon na “Iligtas ang user, ikulong ang pusher”. Mukhang hindi na iyan ang sinusundan ngayon. Sa libu-libong kusang sumuko na sa mga otoridad na gumagamit ng iligal na droga, ihihiwalay ba ang mga gumamit ng shabu dahil “wala na silang pag-asa” na ma-rehab, na magbagong buhay? Ano pala ang plano para sa kanila? Kukumpulin na lang at anong gagawin? Kung isang adik sa shabu ang makabasa ng pahayag ng President, ano kaya ang kanyang mararamdaman, o gagawin?

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with