1.3M students papasok sa Grade 11
MANILA, Philippines – Nasa 1.3 milyong estudyante ang nakapag-rehistro at papasok na sa senior high school ngayon pasukan.
Ito ang inianunsyo ng Department of Education (DepEd) kasunod nang pag-arangkada na sa Hunyo ng full implementation ng K-12 program.
Ayon kay Education Assistant Secretary Jesus Mateo, sa nasabing bilang 33% ang papasok sa private at non-DepEd schools habang nasa 58% naman ang kukuha ng academic track at 40% ang kukuha ng technical-vocational track.
May kabuuang 5,900 schools ang magbibigay ng senior high school ngunit hindi lahat ng ito ay mag-aalok ng lahat ng apat na tracks, na kinabibilangan ng academic track, technical-vocational track, arts and design track, at sports track.
Isasailalim naman aniya ang mga mag-aaral sa career guidance program upang matulungan silang magdesisyon kung anong track ang kanilang kukunin.
Nabatid na may 41,692 guro ang nagpahayag ng interes na magturo sa senior high school, at sa naturang bilang ay 11,824 ang mga bagong graduates mula sa teaching education institutions at iba pa.
May 4,900 guro rin naman aniya na nagpahayag ng interes sa pagtuturo ng senior high school na pawang industry practitioners.
Ang mga naturang guro aniya ay sasailalim sa training para sa senior high school ngayong buwang ito.
- Latest
















