Alex Eala pasok sa Hong Kong Open finals

MANILA, Philippines — Naitakas ni Alex Eala ang pahirapang 7-5, 3-6, 6-4 panalo kontra kay dating world No. 3 Maria Sakkari ng Greece para magmartsa sa finals ng Hong Kong Open kahapon sa Victoria Park Center Court sa Causeway Bay, Hong Kong.
Ilang beses din na natigil ang laban dahil sa pabugsu-bugsong ulan.
Subalit hindi natinag si Eala upang masiguro ang pag-entra nito sa finals sa ikalawang pagkakataon sa season na ito.
Naglatag si Eala ng solidong forehands at ilang crosscourt hits para pigilan ang pagtatangka ni Sakkari.
Nailatag ni Eala ang 4-1 kalamangan sa third set.
Subalit nagpakawala si Sakkari ng sariling ratsada nang kunin nito ang tatlong sunud-sunod na games para maitabla ang laro sa 4-all
Subalit iyon na lamang ang nakayanan ni Sakkari na nagtala ng ilang krusyal na unforced errors na sinabayan pa ng matitikas na atake ni Eala para makuha ng Pinay bet ang panalo.
“I tried every point to stay there and step up my point. I’m really happy that I was able to come out as better player,” ani Eala.
Makakasagupa ni Eala sa finals si Claire Liu ng Amerika.
Nanaig si Liu kay Alexandra Shubiadze ng Russia sa pamamagitan ng 7-5, 6-4 panalo sa hiwalay na semis match.
Ito ang ikalawang beses na maghaharap sina Eala at Liu.
Nagtagpo na ang dalawa noong nakaraang taon kung saan naitarak ni Liu ang 2-6, 6-4, 6-4 panalo kay Eala sa Round of 32 ng Guangzhou Open sa China noong Oktubre 21.
Kaya naman inaasahang ilalabas ni Eala ang buong bagsik nito upang makaresbak kay Liu.
Pakay ni Eala na masungkit ang kaniyang ikalawang WTA title sa taong ito.
- Latest















