Apoy sa Balsa (11)
HINALTAK ni Rhea ang sarili palayo sa hawak ni Kael. Pinilit niyang sineryoso ang mukha kahit na nagkakarambola ang tibok ng kanyang puso.
“Kael, ano ba?” mariing bulong niya, malamig at walang emosyon. “Isang gabi lang ’yun. Stranded tayo, bagyo, emosyonal ang lahat. It was just a one-time thing. Huwag mong lagyan ng kahulugan ang walang halaga.”
Bakas ang matinding sakit sa mga mata ni Kael, ngunit bilang isang tunay na ginoo, hindi siya nakipagtalo. Humakbang siya paurong, tumango nang marahan. “Naiintindihan ko, Mam Rhea. Pasensiya na sa istorbo.”
Lumipas ang ilang araw na tila may nakadambanang pader sa pagitan nila. Tuwing magtatagpo ang kanilang landas sa opisina, pormal na tatango lang si Kael, walang labis, walang kulang. Akala ni Rhea, iyon ang gusto niya, ngunit unti-unti siyang kinakain ng sariling konsensiya. Isang tahimik na Huwebes ng umaga, habang nagtitimpla ng kape si Rhea sa pantry, narinig niya ang hagikgikan ng kanyang dalawang kasamahan sa creative team, si Gretchen at ang art director na si Jaquelyn. Nakadungaw ang dalawa sa glass wall, nakatanaw sa parking bay kung saan nagbubuhat ng mga kahon si Kael.
“Grabe, sis! Nakita mo ba ’yung biceps nung bagong messenger?” bulalas ni Gretchen, ipinapaypay ang kamay sa sariling mukha na tila init na init.
“Ay true, teh! ’Yung hapit ng polo sa dibdib niya, nakakagigil,” banat naman ni Jaquelyn habang humihikab nang pahalinghing. “Yung katawan niya hindi pang-opisina, mas pangromansa! Charot!”
Nag-apir at nagtawanan ang dalawa. Madalas ay nakikisali si Rhea sa ganitong kalokohan lalo na’t hindi sila busy. Pero ngayon, bawat salita ng mga ito ay tila patalim na sumasaksak sa kaniyang pandinig. Ang lalaking pinagpapantasyahan nila ay ang lalaking yumakap sa kanya sa dilim, ang lalaking lumuwas ng Maynila para lang sa kanya. Malakas na ibinaba ni Rhea ang kanyang mug sa counter. Lumingon siya sa dalawa, irita ang mukha.
“Ano ba kayo? Respeto naman! ” asik ni Rhea, na ikinagulat at ikinatahimik ng dalawa. “Isipin n’yo na lang kung baliktad ang sitwasyon. Kayo ang lalaki tapos ‘yung messenger na ‘yun ang babae, ‘di ba ang sagwang pakinggan na sine-sexualize n’yo siya?!”
Napanganga ang dalawa. Si Rhea ay mabilis na naglakad pabalik sa kanyang opisina. Habang naglalakad, napagtanto niya na kahit anong tanggi niya kay Kael, hindi niya kayang makitang pag-aari ito ng iba. (Itutuloy)
- Latest
















