Alupihan (226)
“Wala akong matandaan Kuya. Ano bang nangyari?’’ tanong ni Hani na para bang nagugulumihanan at nalilito.
“Natatandaan mo na may nakita kang alupihan?’’
“Oo Kuya.’’
“Pinatay ko ang alupihan. Kasi sabi mo e makamandag ito.’’
‘‘Natatandaan ko na Kuya. Hinampas mo ng patpat ang alupihan at…’’
“Nawalan ka ng malay. Kung hindi kita nasalo ay baka tumama ang ulo mo sa lupa. Nang salatin ko ang noo mo, pinapawisan ka pero malamig na malamig.’’
“Pagkatapos ay anong nangyari, Kuya?’’
“Dinala kita rito sa tapahan para maging maayos ang puwesto mo sa pagkakahiga sa lupa. Tapos, bigla ngang dumating si Nanay at may pinaamoy sa’yo. Saka ka lang nagkamalay…’’
“Alam mo Kuya, pakiramdam ko e ang tagal ko nang natutulog. Parang ang haba nang narating ko.’’
“Hindi kaya binabangungot ka Hani?’’
“Hindi ko alam Kuya.’’
Hanggang nagsalita ang nanay ni Hani. Nakatingin lang si Cris.
‘‘Hani, meron ka pang hindi ipinagtatapat kay Cris. Dapat malaman niya ang tungkol sa alupihan.’’
‘‘Alupihan? Ano po ang tungkol sa alupihan?’’
‘‘Ipinaglihi ko si Hani sa alupihan. Kung bakit sa dinami-dami nang mapapaglihihan ay ang nakakahilakbot pang insekto ang nakursunadahan ko.
“Alam mo nang araw na ipanganak ko si Hani, ay naglabasan sa kanilang mga lungga ang mga alupihan at ang iba ay umakyat sa bahay at tila masasaya silang gumapang-gapang sa dingding.’’
Hindi makapaniwala si Cris. Natatandaan niya, ilang araw bago tumira si Hani sa kanyang boarding house ay naglabasan din ang mga alupihan na para bang nagpupugay sa kanilang reyna.
(Itutuloy)
- Latest