Alex, three years later
Ibang Alex Eala na ang makikita natin sa pagbabalik niya sa Asian Games sa Nagoya, Japan. Hindi na siya ang 17-anyos na batang nakisilip lang sa Hangzhou.
Noong 2023, tanso ang naiuwi niya sa singles at sa mixed doubles kasama si Francis Alcantara. Magandang simula, pero tanso lang. Ngayon, pagbalik niya sa Setyembre 27, dala niya ang bigat ng World No. 18 ranking — pinakamataas sa kasaysayan ng Pilipinas at ng buong Southeast Asia.
Ito na ang Alex Eala na kauna-unahang Pinay na nanalo ng WTA title, ang Mubadala DC Open sa Washington matapos gapiin si World No. 3 Jessica Pegula, ang umabot sa fourth round ng Wimbledon, at ang nagbigay ng gintong medalya sa Pilipinas sa SEA Games sa Thailand noong Disyembre — una mula pa kay Maricris Fernandez noong 1999.
Kaya iba ang bigat ng nominasyon sa kanya ngayon. Siya ang nakatakdang mag-singles at makakapareha ni Shaira Rivera sa women’s doubles sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya.
Hindi madali ang desisyon. Galing US Open, lalaro pa siya sa Singapore Open sa Setyembre 21-27, at sa mismong araw ng finals doon ay opening ng tennis sa Nagoya. Humingi na ng exemption ang PHILTA sa WTA dahil tatamaan ang mandatory China Open. Pero pinili niya ang bandila.
Makakasama niya sa team na binuo ni PHILTA Sec-Gen John Rey Tiangco sina Rivera, Tennielle Madis, Stefi Aludo at si Alcantara. Si Madis ang ikalawang singles at kapareha ni Aludo sa doubles.
Sa women’s doubles, subok na ang Eala-Rivera at Madis-Aludo. Si Rivera ay tatlong beses nang SEA Games veteran at kasama sa bronze team sa Thailand. Sina Madis at Aludo, 17-anyos pa lang si Aludo, ay nag-uwi na ng bronze sa doubles sa SEA Games.
Sa mixed doubles, sina Alcantara at Rivera ang nakalista. Si Alcantara, bagama’t hindi umabot ng top 700 sa ATP, ay may siyam na medalya na para sa bansa at kasama ni Eala sa bronze sa Hangzhou.
Malaki ang kaibahan. Noon, nangangarap lang tayo. Ngayon, may pang-ginto na tayo. At ang ginto sa Nagoya, may kasamang direktang tiket sa Los Angeles Olympics 2028.
Ibang player na si Alex pagbalik sa Asiad. At ibang usapan na rin ang Pilipinas sa tennis ng Asya.
- Latest
























