May buong suporta ng Senado: Reporma sa edukasyon sa BARMM
Kasunod ng makasaysayang unang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at kauna-unahang sesyon ng Bangsamoro Parliament, ipinaabot ng inyong lingkod ang ating pagbati sa ating mga kababayan sa BARMM pati na rin sa mga bagong kinatawan na bumubuo ng kanilang pamahalaan.
Tulad ng marami sa ating mga kababayan, naniniwala ang inyong lingkod na ang bagong kabanatang ito ay nagbibigay ng pag-asang magdudulot ito ng pangmatagalang kapayapaan at pag-unlad ng ekonomiya sa rehiyon.
Kasabay ng paghangad natin ng kapayapaan at kaunlaran para sa mga kababayan natin sa BARMM, kailangan nating pagsikapang matugunan ang mga hinaharap nilang hamon pagdating sa edukasyon. Sa ganitong paraan, matitiyak natin ang pangmatagalan at inklusibong pag-unlad para sa rehiyon.
Mabigat ang mga hamong kinakaharap ng BARMM pagdating sa edukasyon. Kung hindi matutugunan ang mga ito, mapipinsala ang mga oportunidad ng rehiyon upang makamit ang kaunlaran.
Kung ating babalikan ang pinakahuling ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), nasa 64.7% lamang ang porsyento ng mga mamamayan sa BARMM ang itinuturing na functionally literate o marunong bumasa, sumulat, umunawa, at gumamit ng kanilang kaalaman sa pang-araw-araw na pamumuhay. Nasa 49.44% din ng mga mag-aaral sa Key Stage 1 o mula Kindergarten hanggang Grade 3 ang itinuturing na low emerging readers.
Natuklasan din sa ulat na 34.3% ng mga batang wala pang limang taong gulang sa BARMM ang nakararanas ng stunting dahil sa kakulangan sa wastong nutrisyon. Naitala rin sa rehiyon ang pinakamataas na porsyento ng mga pamilyang nakararanas ng moderate-to-severe household food insecurity o kakulangan sa pagkain sa buong bansa, na umabot sa 48.2%.
Kung kinikilala at pinahahalagahan natin ang mahalagang papel ng edukasyon sa pagkamit ng kaunlaran ang kapayapaan, mahalagang tiyakin nating ang susunod na henerasyon ng mga pinuno ng BARMM ay nakakatanggap ng abot-kaya at dekalidad na edukasyon.
- Latest















