^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Simula ng voter’s registration

Pilipino Star Ngayon

NAGSIMULA na ang voters registration para sa 2028 national at local elections, at ma­ganda ang unang tugon ng publiko ukol dito.

Ayon sa Commission on Elections (Comelec), mahigit 36,000 Pilipino ang nagparehistro sa unang araw. Ayon pa sa Comelec, posibleng malampasan ang target nitong three million new registrants bago matapos ang registration period sa Hulyo 2027.

Magandang balita na malaking bahagi ng mga nagpaparehistro ay mga kabataan. Pero ang pagpaparehistro ay simula lamang ng pa­gi­­ging responsableng botante. Madaling pu­mila, mag-fill out ng form at makakuha ng voter record.

Mas mahirap naman ang susunod na bahagi: ang pag-alam kung sino ang karapat-dapat pag­katiwalaan ng kapangyarihan.

Pagsapit ng 2028, mas magiging malaki na ang papel ng social media, disinformation at AI (artificial intelligence) sa political campaigns.

Mas madali nang gumawa ng pekeng lara­wan, video, audio at impormasyon na maaaring­ mag­mukhang totoo. Kaya hindi sapat na kilala ang pangalan ng kandidato o viral ang kanyang video­.

Kailangang tingnan ang track record, mga de­sisyon, paggamit ng public funds at kung tugma ba ang mga pangako sa aktuwal na ginawa.

Magandang hakbang din ang pagpapalawak ng Register Anywhere at Special Register Any­where programs, na nagdadala ng registration services sa malls, schools at iba pang lugar.

Kung mas madaling magparehistro, mas ma­raming Pilipino ang maaaring makilahok.

Pero ang mas malaking hamon ay hindi lamang paramihin ang botante kundi hikayatin silang bumoto nang mas maingat at responsable.

Hindi dapat maging basehan ang memes, galit, ayuda o ingay sa social media. Ang boto ay hindi maihahalintulad sa simpleng pag-like o pag-heart react sa pinakabagong viral post.

Desisyon ito kung sino ang hahawak ng budget, gagawa ng batas at mamamahala sa bansa.

Mahalagang maibilang ang pangalan sa listahan ng mga botante. Pero mas mahalaga kung sa araw ng halalan, ang ibibigay na boto ay bunga ng totoong impormasyon, ebidensiya at maingat na pag-iisip.

Ang pagrerehistro ay simula lang, ang res­ponsableng pagpili ang tunay na trabaho ng botante. Nararapat na maging matalino sa kara­patang ito.

COMMISSION ON ELECTIONS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with