Babae itinumba sa loob ng bahay!
2 suspek timbog dahil sa CCTV
MANILA, Philippines — Patay ang isang 36- anyos na babae nang pasukin ng dalawang lalaki at pagbabarilin sa loob ng kanilang bahay sa Taguig City noong Lunes ng gabi.
Arestado naman sa follow-up operation ang riding-in-tandem na mga suspek.
Sa ulat ng Southern Police District (SPD), ang biktimang si alyas “Sha-Hannie” ay nasawi sa pamamaril ng mga suspek na sina alyas “Norlan”, 33; at “Khael”, 31, kapwa residente ng Saguingan Street, Barangay Upper Bicutan, Taguig City.
Nobyembre 16, 2026, alas-11:40 ng gabi nang dumating ang dalawang naka-helmet na mga suspek sa bahay ng biktima sa Tilapyahan Compound, Purok 4, Barangay Lower Bicutan.
Pinagbabaril ang biktima habang nakaupo sa pintuan ng kanyang kwarto at naninigarilyo at gumagamit ng cellphone habang ang live-in partner ay tumalon sa bintana at nagreport sa barangay.
Itinawag ng barangay sa Taguig City Police Station Sub-Station 12 na agad kumilos, katuwang ang Station Intelligence Section (SIS), Special Weapons and Tactics (SWAT), at Investigation and Detective Management Section (IDMS).
Sa tulong umano ng CCTV footages sa isinagawang forward tracking ay natunton ang mga suspek sa kanilang lugar sa Upper Bicutan, habang nag-iinuman.
Narekober ng pulisya ang isang .9mm Rock Island pistol, damit na umano’y suot noong pamamaril, dalawang helmet na pinipinturahan, at nakita rin ang mga parte ng motorsiklo na binabago ang kulay, at improvised motorcycle plate number.
- Latest














