Eala bronze uli sa Asian Games

MANILA, Philippines — Hindi pa rin makasampa si Pinay tennis ace Alex Eala sa gold medal round ng Asian Games.
Ito ay matapos matalo ang World No. 18 na si Eala kay No. 85 Wang Xiyu ng China, 6-3, 3-6, 2-6, sa kanilang women’s singles semifinal match kahapon sa Higashiyama Park Tennis sa Nagoya, Japan.
Muling nakuntento ang 21-anyos na Pinay netter sa bronze medal kagaya ng kanyang napanalunan sa Asiad debut niya sa 2022 edition sa Hangzhou, China kung saan nagkasya rin siya sa bronze sa mixed doubles katambal si Francis Casey Alcantara.
Sakaling makuha ni Eala ang gold sa Aichi-Nagoya Asiad ay matik na rin ang isang provisional place para sa kanya sa 2028 Olympic Games sa Los Angeles.
Ngunit sa semis pa lamang ay diniskaril na ni Wang ang misyon ni Eala.
“I’m really happy to have experienced this, to experience the support, to be with the team and to compete for the country again,” sabi ni Eala na imbes na maglaro sa China Open sa Beijing - isang WTA 1000 tournament na kinakailangang lahukan ng mga Top 30 players kagaya niya - ay mas piniling muling lumaban para sa Pilipinas sa Aichi-Nagoya Asiad.
Dahil dito ay nahaharap si Eala sa $10,000 fine bukod sa zero points sa hindi niya pagsali sa China Open.
Bago matalo sa 5-foot-11 na si Wang ay sinibak muna ng 5’9 na si Eala si No. 143 Joanna Garland ng Chinese Taipei sa quarterfinals, 7-5, 6-0.
Kinuha ni Eala ang first set, 6-3, bago nakabawi si Wang sa second frame para ilista ang 5-1 abante patungo sa 6-3 panalo at itabla ang laro sa 1-1.
Sa third set ay itinala ng Chinese ang 4-1 kalamangan na naidikit ni Eala sa 2-4.
Ngunit ang mga unforced errors ni Eala ang sinamantala ni Wang para tuluyan nang tapusin ang kanilang semis duel sa loob ng dalawang oras at 34 minuto.
Haharapin ni Wang para sa Asiad gold ang kababayang si No. 57 Shuai Zhang.
Malas rin si Eala sa women’s doubles katambal si Shaira Rivera nang kaagad mapatalsik sa second round
- Latest





















