SocMed influencers sa ‘deepfake video’, inireklamo
MANILA, Philippines — Inireklamo sa PNP-Anti-Cybercrime Group (ACG) ng isang pribadong grupo ang mga social media influencers at iba pang nasa likod ng sinasabing deepfake video na layong siraan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kasong paglabag sa Article 154 ng Revise Penal Code in relation to Anti-Cybercrime Law ang isinampa ng Kapisanan ng mga Social Media Broadcasters ng Pilipinas (KSMBPI), sa pangunguna ni Dr. Michael Raymond Aragon, ang chairperson ng grupo, kasama si Atty. Anna Tan.
Kabilang sa mga inireklamo ang apat na social media influencers at social media pages na posible pang madagdagan.
Ayon kay Aragon, dapat mapanagot ang mga responsable sa video dahil may implikasyon sa national security ang pagpapakalat ng pekeng balita na maaaring makaimpluwensya ng paniniwala.
Matatandaan na nagbabala na ang Malacanañg sa publiko sa deepfake video kung saan maririnig ang boses ni Pangulong Marcos na nagbibigay ng pekeng pahayag.
Sinabi rin ng Presidential Communications Office na minanipula ang video at nagawa ito sa pamamagitan ng Artificial Intelligence.
“We see a clear and present danger right now for the nation for our democracy. That’s why we are doing this and we would like the government to be with us. Because this is a technology na hindi alam ng tao na meron palang ganyan so nape-peke sila” ani Aragon.
- Latest