Nadine, first time sa kapuso!

Isang bagong pagtatambal at isang magandang destinasyon ang mapapanood sa free TV sa pagdating ng Love, Siargao sa GMA Network, na pinagbibidahan nina Alden Richards at Nadine Lustre.
Matapos nga ang unang pag-ere nito sa Viu Philippines, mapapanood na rin ang Love, Siargao sa free TV; hudyat ito ng inaabangang pagbabalik ni Alden at ng kauna-unahang paglabas ni Nadine sa GMA Prime.
Tampok din sa serye sina Kim Ji Soo, AZ Martinez, Vince Maristela, at Kyline Alcantara. Kasama rin sa cast sina Gab Lagman, Kakki Teodoro, Christopher Diwata, Marco Gallo, at Coleen Garcia.
Nagsimula na ito actually na umere, kahapon, Monday, na umiikot sa kuwento nina Kara (Nadine) at Jao (Alden), na nagtungo sa sikat na isla ng Siargao dahil sa magkaibang dahilan.
Gayunpaman, may ibang plano ang maganda at mahiwagang lugar na ito.
Matapos tamaan ng dalawang bersyon ng tinatawag na “Siargao curse,” magtatagpo ang landas nina Kara at Jao sa isla at sabay nilang haharapin ang proseso ng paghilom at pagtanggap ng bagong pagkakataon.
Pagdating ni Kara sa isla, nabighani siyang mamuhay sa kasalukuyan at iwanan ang kanyang nakaraan—at iyon ang kanyang naging “sumpa.” Pinili niyang manatili sa isla at yakapin ang kanyang bagong simula.
Sa kabilang banda, tinamaan naman si Jao ng ikalawang sumpa matapos siyang hiwalayan ng kanyang longtime girlfriend na nagtungo rin sa Siargao.
Nagpunta siya sa isla sa pag-asang muling makakasama ang kanyang ex.
Ngunit nauwi sa ibang direksyon ang kanyang paghahanap dahil nabighani siya sa ganda ng isla at nakilala niya si Kara, ang pinakamahusay na tour guide sa lugar.
Sa kabila ng kanilang magkasalungat na prinsipyo at paniniwala, sabay na haharapin nina Kara at Jao ang mga ligaya at hamon ng modernong pag-ibig na maaaring magpabago sa takbo ng kanilang mga buhay.
Mapapanood ito weekday ng 9:35 p.m. sa GMA Network at 11:25 p.m. sa GTV. Maaari rin itong mapanood ng mga Global Pinoy sa pamamagitan ng GMA Pinoy TV.
- Latest





















