JC, gusto pang yumaman

Maligaya si JC de Vera sa takbo ng kanyang career lalo na nga at kakatapos lang niyang pumirma ng panibagong kontrata sa ABS-CBN last week.
Pero gusto pa raw niyang yumaman.
Pagkatapos nga ng kanyang Forever Kapamilya contract signing sa ABS-CBN, ibinalita ni JC na mapapanood muli siya sa telebisyon sa pamamagitan ng seryeng Nobody.
Makakasama niya si Gerald Anderson sa action-drama series na nakatakdang ipalabas sa susunod na taon.
“Dito medyo challenging, medyo mate-test ulit ‘yung pagiging aktor ko. Something na hindi pa nila nakikita at hindi pa nila nae-experience sa akin,” patikim ni JC sa kanyang bagong role.
Bago ito, napanood si JC bilang doktor sa ABS-CBN at TV5 drama series na Nag-aapoy Na Damdamin at kabilang rin siya sa Philippine adaptation ng Flower of Evil sa papel naman ng isang police detective.
Ilan pa sa mga tumatak na palabas ng versatile actor ang The Legal Wife, Moon of Desire, You’re My Home, The Better Half, Since I Found You, La Vida Lena, at The General’s Daughter.
“Doable naman lahat. Then, hopefully before I really get old sana makagawa pa rin naman ako. At yumaman pa sana,” sabi ng aktor na magiging tatlo na ang anak.
Buntis nga sa kanilang third baby ang kanyang misis na nasa construction business. “‘Yung wife ko is into construction business. They have their family construction business na matagal na. Tapos ako naman on the side, I do construction contracts din. Pero ‘yung sa kanila kasi more on residential, commercial, mga design and build construction contracts, ‘yun ang ginagawa nila. Ako naman, nangongontrata ang tawag. So, I get the contracts from everyone,” kuwento sa amin ng aktor sa isang small group interview ilang araw na ang nakalipas.
Anyway, talaga raw inaabangan niya sa tuwing pipirma raw siya ng panibagong kontrata sa ABS-CBN.
“May kaba, pero ‘pag nag-sign everybody happy kasi alam mo marami na namang gagawin. So on the average, I do one teleserye a year. So kung two years ‘yun, I do two,” kuwento niya pa.
Naiintindihan naman daw niya kung bakit isa lang sa isang taon ang ginagawa niyang teleserye. “It’s just that after the pandemic, ‘yung nangyari kasi with ABS, syempre piling-pili na ‘yung mga project na ginagawa within the network.
“So, ‘yung transition ng pagkuha ng projects ng mga artist, hindi na kasing dami katulad nung bago magpandemic. Kasi before, nakakagawa ko like dalawang teleserye, isang pang hapon, isang panggabi. So full sched ‘yun, seven times a week nakakapagtrabaho. Pero ngayon kasi, sobrang binibigyan ng importance ‘yung preparation ng network, ‘yung paggawa ng isang teleserye. So, it will run for like five months or six months, I guess. Tapos after that, you’re gonna do a month of promos.”
Anyway, hindi first time na makakatrabaho ni JC si Gerald. “Bale this is the second time. The first one was a movie that was 2017 yata. ‘Yung horror movie na ginawa niya with Julia Montes. Halik sa Hangin.”
At puring-puri niya kaagad si Gerald.
“Kasi, I call him Cap. Kasi, Cap for Captain. Kasi, working with him, okay talaga ‘yung leadership ni Gerald kasi. So, kapag meron siyang ginagawang project, expect mo na he will lead the show.
“He will lead the people. He’ll set the tone para sa aming lahat. Para alam mo ‘yun, gandahan, mag-focus kami lahat sa kung anong kailangan namin gawin. Ganun siya.”
Action, suspense, thriller ang Nobody.
“Yes, oo definitely. ‘Yun naman ang kinagandahan kasi ng doing projects with the Kapamilya channel. Palagi nilang tina-ry i-stretch ‘yung range nung mga actor. So, for Gerald of course, pahihirapan talaga si Gerald dito. Oo, ita-try talaga nilang i-stretch ‘yung kakayahan niya.”
Pero aminado ang actor na mas mahirap sa kanyang magpatawa. “Comedy. Pinakamahirap ang comedy for me. Action is hard also. Physically demanding kasi. Drama, of course, mahirap talaga maglabas ng emotions. It’s always a challenge for the actors. Pero ‘yun kasi ‘yung nakakasanayan ko na gawin eh, mag-drama.”
May natapos na ring pelikula si JC na ipalalabas na sa Nov. 27, ang Huwag Mo Kong Iwan at kasama rin nila rito si Tom Rodriguez.
- Latest





















