R.I.P Dolphy!
MANILA, Philippines - Nagluksa ang buong sambayan kagabi nang tuluyan nang mamaalam ang hari ng komedya – Dolphy.
Matapos ang ilang linggong pagdarasal ng bayan at pag-aalaga ng kanyang pamilya sa pangunguna ni Zsa Zsa Padilla, sumakabilang buhay na ang Hari ng Komedya, Martes ng gabi, ganap na 8:34.
Siya ay 83 years old.
“My Dad is now with his Creator,” sabi ni Eric Quizon kagabi.
Nalagutan siya ng hininga sa Makati Medical Center. Severe Pneumonia, Chronic Obstructive Pulmonary Disease, and Acute Renal Failure ang rason ng kanyang pagpanaw.
Ayon naman sa mga anak niya, ayaw na talagang maghirap ng kanilang ama.
Inasahan na rin ng pamilya ang mangyayari sa isa sa itinuturing na haligi ng industriya ng pelikula sa bansa.
Ipinanganak si Dolphy noong July 25, 1928 sa Tondo, Manila.
Rodolfo Vera Quizon ang tunay niyang pangalan.
Bata pa pala ay may asthma na ang komedyante.
Merong 18 na anak ang hari ng komedyante. Pero wala siyang pinakasalan sa mga naging partner niya.
Bago nagkaroon ng confirmation ay nagkagulo sa Twitter dahil may mga kumontra sa mga balita.
Pero mismong si tita Dolor Guevarra ang unang nag-confirm na wala na si Tito Dolphy at tuluyan na niyang iniwan ang kanyang mga mahal sa buhay.
Maya-maya ay kinumpirma na ni Zsa Zsa Padilla ang tungkol sa pagpanaw ng kinakasama.
Nakatakdang iburol ng limang araw si Tito Dolphy sa Heritage Park at ang isang araw ay allotted sa ABS-CBN.
Natataranta pa raw ang mga pamilya ng comedy king habang sinusulat ang balitang ito kaya wala pang gaanong detalye.
Limang taong nakipaglaban sa sakit na chronic obstructive pulmonary disease (COPD) ang Hari ng Komedya.
Ang COPD ay isang uri ng sakit na nakakaapekto sa baga at nakakahadlang sa maayos na paghinga ng isang pasyente.
Inamin noon ni Dolphy na dulot ito ng kanyang paninigarilyo noong kanyang kabataan.
- Latest





















