Willie Revillame, gagawa na lang ng pelikula?!

Walang final na sagot si Ma’am Annette Gozon-Valdes tungkol sa meeting nila ni Willie Revillame noong Martes ng gabi.
Hindi ko nga nakilala agad si Willie dahil medyo lumusog siya at parang kuminis ang mukha.
Halatang nakapagpahinga ito nang husto.
Kasama rin doon ang producer ng Mavx Productions na si Erwin Blanco.
Kaya kinulit ko siya kung ano ang napag-usapan. Wala pa raw siyang maibibigay na tiyak na sagot dahil wala pa talagang na-finalize.
Pero napapag-usapan na dalawang pelikula ang gagawin ni Willie na iko-collaborate ng GMA Pictures at Mavx Productions.
Nagustuhan daw ni Willie ‘yung material na ipinresent sa kanya na isang tearjerker, na posibleng idirek ni Erwin Blanco mismo ng Mavx.
May isa raw silang napag-usapan doon sa meeting. Pero wala pa raw talagang final.
“Yes. Explore, explore pa,” safe na sabi sa akin ni Ma’am Annette.
Wala raw silang napag-usapan tungkol sa pulitika.
May tsismis kasing papasukin ulit ni Willie ang pulitika.
Hindi naman daw nila ito napag-usapan.
Marian, kabado!
Excited si Marian Rivera sa pelikulang pagsasamahan nila muli ni Dingdong Dantes.
Sandali namin siyang nakatsikahan sa Dekada Awards 2026 ng MMPress noong Linggo, at siya raw ang todo work muna nung araw na ‘yun.
Nasa bahay lang daw si Dingdong at siya raw ang nag-aalaga ng mga bata.
Sobrang puno kasi ang schedule ni Dingdong. Pero tinitiyak daw nitong meron siyang nailalaang oras para sa kanila, lalo na kina Zia at Sixto.
Pero sa sobrang tight na schedule ni Dingdong ay naisisingit pa rin daw nito ang bonding nilang pamilya.
Kagaya nitong nakatakdang showing ng pelikula nilang Remember, kasama raw ang mga bata sa pagpo-promote nila sa ibang bansa.
“Actually, dahil sa Remember ang dami naming out of the country para mag-promote. So, baka medyo i-extend namin kung saan kami, then isama namin ‘yung mga kids,” napangiting pakli ni Marian.
Sa November na ang showing ng Remember, at excited daw siyang mapanood ito lalo na ang supporters nila na tumangkilik sa Rewind.
Hindi raw mawala ang kaba, dahil ang hirap higitan o pantayan man lang ang naitalang record ng Rewind. “Kinakabahan... siguro more on excited ako na ipakita ‘yung nagawa namin. Kasi talagang kung nagustuhan nila si Rewind ay ibang level naman ang mararamdaman nila sa Remember.
“Ayaw naman naming sabihing wala. Dahil talaga namang napakaganda ng Rewind, at marami naman ang sumuporta dun.
“Sana sa Remember din ganundin ‘yung pagtangkilik nila dito.
“Malaki ang pasasalamat namin sa Rewind, dahil sa Rewind, nagkaroon ng Remember,” sabi pa ni Marian.
Samantala, nagpasalamat si Marian sa MMPress sa parangal na ibinigay sa kanya na sa loob ng 10 taon ay naka-dalawang Best Actress award siya mula sa pelikulang Balota.
Nakuha niya ito sa The Eddys at sa FAMAS.
“Nakakataba ng puso.
“Siguro ito ay isang paalala sa akin na kailangan pagsikapan ko pa. Kasi marami pang puwede at posibilidad na gawin sa industriyang ito,” sabi pa ni Marian Rivera.
Snooky, pinagtawanan na lang ang away nila noon ni Maricel
Parang bumagets si Snooky Serna na dumalo sa premiere night ng pelikulang Mantsa na nag-showing na sa mga sinehan kahapon.
Nae-enjoy raw ni Snooky na nakatrabaho niya ang mga bagets na nasa cast ng Mantsa.
Bida rito sina Shira Tweg at Khai Flores, kasama pa ang kabataang talents ng Dragon Entertainment Productions na sina Ghia Garcia, Than Perez at kasama rin sina LA Santos at Bo Bautista.
Ipinaalala namin kay Snooky nung kabataan nila ni Maricel Soriano na napagdaanan nila nung mahigpit na naglalaban ang kanilang career.
Ipinakita ito sa mini-series ni Direk Erik Matti na Call My Manager.
Ani Snooky, “Funny nga. Kasi ‘di ba, ‘yung Call My Manager, it’s an exaggerated, blown-up version of ourselves.”
Noong 2023 pa syinuting ang Call My Manager, kung saan bida sina Judy Ann Santos, Edu Manzano at RK Bagatsing.
Mukhang totoo ‘yung mga talakan nila ni Marya, huh? “Nanggaling sa katotohanan. I mean, hindi naman lahat obviously. Wala naman kaming pinag-awayang manager,” sey ni Snooky.
“Pero ‘yung medyo nagkaroon kami ng konting sagutan, awayan, away-away nang konti... when we were younger, talagang nagkaroon ng ganun, ng mga eksena.
Napag-usapan nila ni Maricel ang kanilang past nang gawin nila ‘yung mga eksena nila sa Call My Manager? “Medyo, medyo. Nung ginagawa namin ‘yung mga scenes, medyo naka-motivate ‘yun. Napag-usapan ang past,” pagtatapat ng aktres.
“Pero of course, we were laughing about it na lang. Natatawa na lang kami sa mga kababawan namin noong bata kami.
“At the end of it all, ‘yun ang bottomline, e. Magkapatid pa rin, e,” katuwiran pa ni Snooky.
“Pero as with all siblings, may mga away-away paminsan-minsan. Inggit-inggit, may competition,” sabi pa ng aktres.
Sa mga kabataan ngayon ay hindi rin naaalis ang ganu’ng kumpetisyon.
Kaya hiningan namin siya ng puwede niyang mga maipapayo sa mga kabataang artista.
“Ako sa akin, parang ano, e... just take it with a grain of salt,” pakli niya. Ganun talaga ang buhay-showbiz. Kasama na ‘yung mga intriga. Ngayon mas lalo pa na ang social media natin ay lipana na.
“Parang may mga bashing na rin diyan. I mean, just take it with a grain of salt. Ganun talaga, minsan may competition. But it’s a healthy competition.
“At the end of the day, ang pinaka-kalaban mo naman, e, ‘yung sarili mo, e. It’s not anyone else. More than anyone, ‘yung sarili mo talaga ‘yung you have to compete with yourself.
“But, well, I just take it all with a grain of salt lang. Parang have fun na lang sa rami ng problema sa mundo,” saad nito.
- Latest

























