Lalaking 'karelasyon' ni Sheryl, nag-sorry!
Nasa Guam si Yasmien Kurdi kaya via phonepatch ang interbyu sa kanya kahapon sa Startalk.
Walang masyadong masabi si Yasmien tungkol sa arrest warrant para kay Baron Geisler dahil nalaman lang niya ang balita mula sa mga kamag-anak niya na nag-text sa kanya.
Babalik sa Pilipinas si Yasmien sa June 13 at siguro naman, nakapagpiyansa na si Baron para sa kanyang pansamantalang kalayaan sa petsang ‘yon.
Puwede rin na itaon ni Baron ang paglalagak niya ng piyansa sa June 12 para maging meaningful ang kanyang pagsuko.
Sexual harassment ang reklamo noon ni Yasmien laban kay Baron dahil sa pananantsing nito sa kanya sa taping ng isang drama anthology ng GMA 7. May fetish yata talaga si Baron sa mga babae na chubby dahil hindi nagkakalayo ang katawan ni Yasmien at ng anak na babae nina William Martinez at Yayo Aguila na nagdemanda rin ng sexual harassment laban sa aktor.
* * *
Nag-sorry kay Sheryl Cruz ang man from Bacolod na na-link sa kanya. Charles ang pangalan ng mhin na nag-apologize kay Sheryl sa pamamagitan ng e-mail na ipinadala niya sa Startalk.
Ang sey ni Charles, nahihiya siya kay Sheryl na nadamay lang sa pagseselos ng babae na kanyang kinakasama.
Crix ang name ng babae at ito ang unang nagpainterbyu sa Startalk noong nakaraang Sabado. Ibinulgar ni Crix na si Sheryl daw ang dahilan ng paghihiwalay nila ng kanyang asawa.
Bumuwelta si Charles kay Crix. Hindi raw sila mag-asawa at base sa nilalaman ng kanyang e-mail, wala nang balak ang mhin na makipag-reconcile kay Crix.
Sa totoo lang, naka-feel ako ng awa kay Crix dahil ginawa niya ang lahat para hindi sila maghiwalay ni Charles pero nabigo siya.
Naniniwala ako sa explanation ni Sheryl na wala silang relasyon ni Charles. Totoo ang kanyang sinabi na hindi niya kailangan ng problema sa panahong ito dahil katatapos lamang ng diborsiyo nila ni Norman Bustos.
* * *
Tutol si Senator Bong Revilla sa 250% na toll fee hike sa Southern Luzon Expressway O SLEX.
Mahigpit na tinutulan ni Bong ang plano ng SLEX Corporation na itaas ng 250% ang toll fee sa SLEX.
Ang sey ni Bong, revolting ang plano ng SLEX. Hiniling agad ni Bong sa Toll Regulatory Board na pag-aralan na mabuti ang toll fee increase application ng SLEX para matiyak na karapat-dapat ang halaga na hinihingi nila.
Sa kasalukuyan, ang toll fee mula Alabang hanggang Calamba, Laguna ay P22 para sa light vehicles, P43 sa bus at P65 sa mga trak.
Kapag naaprubahan ang 250% increase, ang toll fee ng light vehicles ay magiging P77; P155 sa mga bus at P232 sa mga trak. Nasaan nga naman ang hustisya ‘di ba? Kaawa-awa ang mga motorista!
Si Bong ang nag-aalala para sa mga nagbabayad ng pamasahe. Kung tataasan ang toll fee sa SLEX, posibleng magtaas din ng pamasahe ang mga bus.
Si Bong ang Chairman ng Senate Committee on Public Works. Sinabi ni Bong na sisiguraduhin niya na hindi magkakaroon ng fare increase.
Tiniyak naman ng Land Transportation and Franchise Regulatory Board ( LTFRB ) na walang magaganap na pagtaas sa pasahe.
- Latest




















