Michael de Mesa lalayasan ang 'Pinas!
Marami ang nalungkot nang kumpirmahin ni Michael de Mesa sa napaka-bonggang pa-presscon ng Viva Films para sa pang-MMFF nilang entry, ang Baler na nagtatampok kina Jericho Rosales at Anne Curtis sa isang kwento ng pag-ibig na ang background ay ang digmaan sa pagitan ng mga Kastila at Pilipino noong 1898.
Kabilang si Michael sa pelikulang may mabigat na cast at dinidirihe ni Mark Meily.
Sinabi ni Michael na magpapahinga raw muna siya sa Amerika at habang ginagawa niya ito ay susubukan niya ang kanyang kapalaran sa Hollywood. May mga kinakausap na siyang tao para siya ay matulungan.
Kahit nakapanghihinayang dahil isa siyang asset ng industriya, hinahangad ko ang magandang kapalaran ni Mike sa dakong iyon ng mundo. Sana makita niya ang hinahanap niyang international recognition.
Samantala, napakalaki raw ng pelikula na ginastusan ng Viva ng mga P100M? Wow naman! Pero kita naman ito sa produksyon. Ang ganda ng sinematograpiya, ang galing ng akting ng mga artista (Jericho, Anne, Michael, Joel Torre, Rio Locsin, Ryan Eigenmann, Carlo Aquino, Leo Martinez, Baron Geisler, Bernard Palanca, Allen Dizon, Nikki Bacolod, Alvin Anson, Andrew Schwimmer, Mikel Campos, PJ Valerio, DJ Durano, Arvee Quizon, Jao Mapa at Mark Bautista), pati ang theme song na inawit ni Sarah Geronimo, palaban din!
Ngayon pa lamang, nakikinita na ang posibleng award ng Baler. At I’m sure aware rin ang ibang mga producers at directors sa Baler, kaya ginandahan din nila ang mga entries nila.
* * *
Nakikiramay ako sa pamilya ni Marky Cielo sa maagang pagkamatay nito. Kung kailan pa siya nasa peak ng kanyang career at saka pa siya binawian ng buhay.
Alam ko na masakit ito sa kanyang pamilya at kaibigan pero lahat ng nangyayari sa mundo ay batid ng Diyos at lahat nito ay may paliwanag. Ang kailangan lamang ay manalig tayo sa Kanya na hindi niya tayo bibigyan ng sakit na hindi natin makakayanan.
Sa iyo Marky, maging maligaya at mapayapa ka sana sa iyong kinaroroonan.
* * *
Ang dami kong nakikitang mga comebacking stars. Welcome sa kanilang pagbabalik.
Tulad ni Carlos Agassi na mapapanood muli sa Dragonna ng ABS-CBN, si Jao Mapa na nasa Baler ng Viva Films, si Phillip Salvador na may magandanag role rin sa Baler. Ang mga magagaling na artista na katulad nila ay hindi pa dapat mawala dahil marami pa silang maiaambag na maganda sa industriya, sa larangan ng pag-arte.
Napanood ko si Ipe sa pelikula nina Richard Gutierrez at KC Concepcion na kahit maikli ang role, markado naman. Welcome rin sa akin ang pagiging active muli ni Bayani Agbayani na kasama rin sa Dragonna bilang tatay-tatayan ni Shaina Magdayao. For a time, parang kumonti kasi ang mga projects niya.
Mahirap talagang iwan ang isang gawain na mahal mo at nasa puso na, babalikan at babalikan mo ito. ’Di ba Gabby?
* * *
Finale na ng Survivor Philippines ng GMA 7 ngayong Biyernes. I’m sure sinusubaybayan n’yo ito. Dadalawa na lamang ang naglalaban para sa titulong Lone Survivor, sino ang gusto n’yong manalo, si Rob o si JC?
Nasa kamay na ng jury ang pagpili pero marami kasi sa mga nakakausap ko ang boto kay JC. Wala na raw kasi si Nanay Zita. Anuman ang kahihinatnan ng reality search na ito, mukhang lahat ng castaways ay nagkakaro’n ng mga projects at tinatangkilik naman. Anuman ang kahihinatnan, sino man ang manalo, the show has endeared all its survivors sa mga tao. Dapat lang na maulit pa.
- Latest

























