Asian Heartthtrob darating sa ‘Pinas
Sabik na sabik na ang mga tagahanga ng pinakamainit na Asian heartthrob na si Wu Chun sa kanyang nalalapit na pagbisita sa bansa ngayong Sabado (July 12) kasama ang co-star at fellow Fahrenheit member na si Calvin Chen upang i-promote ang kanilang hit afternoon soap na Romantic Princess sa ABS-CBN.
Inihayag ngayon ng ABS-CBN Head of Acquisitions na si Leng Raymundo na ang pagdating ng dalawa sa pinakamalaking Asian superstars ay bahagi rin ng ika-55 taong selebrasyon ng Kapamilya Network.
“Paraan ito ng pasasalamat ng ABS-CBN sa walang sawang pagsuporta ng mga viewers sa aming mga Asianovelas,” sabi ni Leng.
Nauna nang dinala ng ABS-CBN ang iba pang Asian superstars na sina Lee Dong Wook ng My Girl, Eugene ng Save the Last Dance for Me at Wonderful Life at siyempre pa ang di makakalimutang pagdalaw ni Jerry Yan kasama ang iba pang members ng F4 at Meteor Garden leading lady na si Barbie Zhu noon.
Susundan na nga sila ni Wu Chun na talaga namang sabik na sabik na rin na makasama ang kanyang Pinoy fans batay na rin sa kanyang isinulat sa Internet. Ayon dito, siya mismo ang pumipilit sa kanyang mga manager na ipasok sa kanyang napaka-busy na schedule ang naturang promotional tour.
Una nang minahal ng sambayanan si Wu Chun bilang Bryan sa original hit romantic-comedy series na Hana Kimi. Kilala rin siya bilang miyembro ng Asian singing sensation na Fahrenheit, kung saan miyembro din ang co-star na si Calvin.
Abangan sina Wu at Calvin sa iba’t ibang TV appearances sa Kapamilya network at patuloy din silang panoorin sa Romantic Princess, weekdays, bago ang Pinoy Dream Academy Uberture sa ABS-CBN.
- Latest


























