Kumakanta pati tuhod at paa
February 2, 2002 | 12:00am
Dalawang buwan na ang nakararaan ay inimbitahan kami ni Daddy Wowie Roxas sa kanyang opisina sa Banahaw, Cubao.
May iparirinig lang daw siyang boses sa amin, kilatisin-husgahan nga raw namin kung may karapatang makilala ang singer na nagmamay-ari ng boses n a yun?
Boses lang ang ipinarinig sa amin ng pamosong manager, hindi pa muna niya ipinakilala sa amin ang singer, tama nang nakita namin ang milagro, saka na ang santo.
Maganda ang boses, ang taas-taas at halata mo agad na ang pinanggagalingan ng boses na yun ay isang malaking tao.
Sa lahat ng kantang ipinarinig sa amin ni Daddy Wowie, kahit pa magaganda rin naman ang iba, ay ang "Buhay" ang nagustuhan namin.
Unay dahil pamilyar na sa amin ang tono ng kantang "Through The Years" ni Kenny Rogers na isinalin sa Tagalog, kaya pamilyar na sa amin ang piyesa.
Gusto na naming makilala ang singer dahil sabi namiy tiyak na makalulusot siya sa labanan, pero ayaw pa ni Daddy Wowie, sa pormal na paglulunsad na lang daw.
At nung nakaraang Lunes nga ay inilaan ang gitnang entablado ng Rembrandt para sa African-American singer na si Dax Martin, ang umawit ng "Buhay Ko" na narinig na namin dalawang buwan na ang nakararaan ngayon.
Kumakanta ang tuhod at paa ni Dax, dahil kapag itinataas niya ang tono ng kanta ay nasa ganun kababang puwesto ang paghawak niya ng mikropono.
Grabe ang taas ng boses ni Dax, bukod pa sa buong-buo yun, at ang husay-husay niyang sumagot sa mga tanong ng manunulat.
Tulad ng ibang mang-aawit na itim, si Dax man ay nagkaroon na rin ng hindi-kagandahang karanasan sa umiiral na diskriminasyon, ang dahilan kung bakit noon ay natatakot siyang kumanta sa Maynila.
Sa Angeles City kung saan siya ipinanganak at lumaki (pero hindi siya souvenir baby, dahil hanggang ngayoy magkasama pa rin ang kanyang mga magulang) lang siya kumakanta kapag nandito siya sa Pilipinas at walang kontrata sa ibang bansa, sa pag-aalalang baka hindi siya matanggap ng maselang panlasa ng mga taga-lunsod.
Sanay na kasi kaming makadalo sa mga presscon at launching kung saan habang nagsasalita ang artista o kayay kumakanta ang baguhang singer na inilunsad ay nagdadaldalan nang walang patumangga ang mga manunulat.
Pero nang gabing yun ay nakikinig ang halos lahat kay Dax, palakpakan at pagkamangha ang halinhinan mong maririnig, dahil talaga namang puwedeng ilaban nang sabayan sa mga dinatnan na niyang recording artists si Dax Martin.
Dax, dahil malaking tao siya na may malaking bulto ng pangangatawan.
Dax, dahil bukod daw sa kanyang malaking katawan ay may "kung ano pang daks" sa kanya, pero bahala na raw mag-isip ang mga nandun kung ano ang daks na yun sa kanya.
At para naman sa amin ay siya si Dax, dahil malaki ang natatanaw naming pagtatagumpay niya sa larangan ng pag-awit.
Magandang buwena-mano para sa taong 2002 ang pagkakadiskubre at pagkakalunsad kay Dax Martin, ang pambatong manok ngayon sa kuwadradong sabungan ni Daddy Wowie Roxas.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
Latest
Latest
Recommended





















