Gary V, kinakabahan sa 10 gabing concert

Sobrang saya ng audience sa MVP Studio ng TV5 noong Sabado na kung saan live ang Vibe+.
Special guest nila si Gary Valenciano na nagpo-promote ng Back At The Museum concert na gagawin sa Music Museum simula sa Oct. 1.
Napuno ang buong MVP Studio at nandun pa sina Sir Manny V. Pangilinan at ang head ngayon ng TV5 na si Ms. Chaye Cabal-Revilla.
Sobrang nag-enjoy sila sa punung-puno ng energy na performance ni Gary V.
Sabi ni Mr. Pure Energy, parang test daw niya ito para sa nalalapit niyang concert.
Proud siyang sa edad na 62 ay nagagawa pa niya ang gusto niyang gawin sa pagpe-perform at napapasaya pa niya ang fans na sumisigaw pa ng “Isa pa! Isa pa!”
Aniya, “Kasi sa edad kong ito, ‘yung mga hinihingi n’yong ‘isa pa, isa pa,’ akala n’yo ganun kadali ‘yun?
“But because I am inspired… hulaan n’yo how old is Gary V today. You know it’s a miracle that I can still come up on stage and put a smile on your faces, even if I had just turned 62.”
Aminado siyang may kaba na siya ngayon sa pagbabalik niya sa 10-night concert sa Music Museum.
“Sa totoo lang medyo kinakabahan talaga ako. Kasi hindi lang ito isang show o isang weekend. But it’s 10 shows at the Music Museum which called Back At The Museum, Oct. 1, 3, 8, 10, 15, 17, 22, 24, 29 and 31 at 8 p.m. Music Museum,” pakli niya,
Natutuwa rin siyang pinromote ang kanyang podcast tuwing Lunes na Unshaken With Gary V.
Sobrang na-enjoy raw niya itong pagho-host ng kanyang podcast na medyo lumalaki na raw ang kanilang community online.
Doon pa rin sa Vibe+ ay nag-promote rin si Moira dela Torre na sobrang na-enjoy rin ng fans niya.
Nagpo-promote rin si Moira ng concert niyang Where It All Started na gaganapin sa SM MOA Arena sa Oct. 4.
Nag-promote rin si Angela Muji ng single niyang Is It Over kasama sina Rabin Angeles at Zeke Polina para sa series nilang Dating Alys Perez.
Cinema day, pinilahan!
Parang Metro Manila Film Festival nung mga nakaraang taon ang scenario sa mga sinehan noong Sabado.
Tamang-tama talaga ang pagdiriwang ng National Cinema Day na kung saan P100 lang ang halaga ng sine sa araw na ‘yun.
Sa Director’s Club ay P300 na lang at P500 naman sa IMAX at ScreenX.
Bahagi ito ng selebrasyon ng Philippine Film Industry Month na ipinagdiriwang tuwing buwan ng September.
Ito’y sa pakikipagtulungan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), Film Academy of the Philippines (FAP), Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP) at iba pang ahensya ng gobyerno. “I am very happy!” bulalas ni FDCP Chairman and CEO Joey Javier Reyes nang makatsikahan namin noong Biyernes sa book launch ng Quiapo Ilalim ni National Artist Ricky Lee sa Manila International Book Fair 2026.
“Ginagawa naman ito sa ibang bansa, e. Matagal nang ginagawa ito. And it’s about time to bring back people na mag-enjoy ng pelikula sa sinehan. So magandang move ito ng CEAP kaya full cooperation naman ang FAP at FDCP para diyan.
“Sana magkaroon pa ng maraming ganyan nang ma-realize ng tao kung ano iyong nami-miss nila, na hindi sila nanonood ng sine sa sinehan.”
Ang hangad lang naman ni Direk Joey na sana mainit ang pagtanggap ng mga manonood.
“Kung maging successful, uulitin iyan. Uulitin iyan! At sana, dumugin! ‘Yun ang gusto ko sana. Kasi we’re even showing flow again and one other film doon sa P100,” saad ng FDCP Chairman Direk Joey Reyes.
Hindi lang ang mga sinehan ang pinilahan nang husto, pati mga refreshment corner na ang sabi nga ng nandoon ay pati sa popcorn daw ay pipilahan mo pa nang bonggang-bongga.
Hindi ko lang na-monitor ang local films na ipinalabas.
Pero sa pagkakaalam ko, nasa sinehan pa ang mga pelikulang Saving Cherry at Life After You.
Ipinost nga ni Roselle Monteverde sa kanyang social media account ang pasasalamat sa napaka-successful na National Cinema Day at napuno ang mga sinehan ng Regal Entertainment movie na Saving Cherry. “Yehey! Thanks for supporting Philippine Cinema #NationalCinemaDay #SavingCherry. Congratulations CEAP for a successful launch of 1st National Cinema Day!”
Parang nag-theater tour pa si Bela Padilla ng Life After You at meron pa silang block screening. Kaya piyestang-piyesta ang dating sa mga sinehan noong Sabado.
Sana nga maulit pa ito, dahil kapag ganun ngang affordable ang presyo ng ticket sa sine, sasadyain talaga ng mga manonood, at hindi na hihintayin ang pelikula sa streaming service.
- Latest




















