Tres Queridas (75)
MATAPOS maaresto si Carlo ng mga pulis, Dumiretso sina Diana at Celeste sa ospital kung saan naka-confine ang ama ni Celeste. Naka-lockdown pa rin ang buong palapag; dalawang armadong tauhan ng pamilya ang nakabantay sa magkabilang dulo ng corridor, tahimik na tumango nang makita ang pagdating nila. Binuksan ni Celeste ang pinto.
Sa gitna ng mahinang tunog ng heart monitor, nakasandal sa mataas na unan ang kaniyang ama. Maputla pa rin ang balat nito mula sa epekto ng aconitine, ngunit gising na ito.
“Celeste...” paos ngunit puno ng ginhawang tawag ng matanda.
Lumapit si Celeste sa gilid ng kama at marahang hinawakan ang kamay ng ama. “Ligtas ka na, Dad. Nahuli na namin si Carlo.”
Pinagmasdan siya ng ama ng ilang segundo. Nakita ng matanda ang bakas ng pagod sa ilalim ng mga mata ng anak, ngunit higit doon, nakita niya ang bagong talim sa tindig ni Celeste. Wala na ang dating prinsesa na laging kailangan ng alalay. Ang babaing nakatayo sa harap niya ngayon ay isang taong kayang pumasok sa dilim at lumabas nang buhay.
“Si Arthur?” mahinang tanong ng ama.
“Nakakulong na rin siya,” sagot ni Celeste.
Bahagyang kumunot ang noo ng matanda. “Kung ganun, tapos na.”
“Iyan din ang akala ko,” sabi ni Celeste, sabay sulyap kay Diana na nakatayo malapit sa pinto. “Pero bago isara ng NBI ang van, may sinabi si Carlo. Isa lang daw siyang platito sa isang napakalaking mesa. Hindi sarili niyang pera ang ipinambayad kay Arthur, at kapag nalaman ng mga taong nasa likod niya na bumagsak ang operasyon niya, sila na mismo ang kakatok sa pinto natin.”
Natigilan ang ama ni Celeste. Dahan-dahang nag-iba ang timpla ng mukha nito habang pinagtatagpi-tagpi ang mga pangyayari, ang biglaang pagkalason niya bago ang board restructuring sa Lunes, ang malaking halagang nailabas sa loob lang ng ilang oras, at ang malinis na pagkakaplano ng panglalason sa kanya.
“Alam ko na kung sino ang nasa likod ni Carlo.” (Itutuloy)
- Latest















