SOGIESC bill, dapat tutulan
MAY isang usapin na dapat mariing tutulan ng mga Cristianiano na naniniwala na lalaki at babae lamang ang nilikha ng Diyos. Dapat din itong tutulan ng lahat ng naninindigan na ang kalayaan at karapatan ay hindi dapat ipinagkakaloob sa isang natatanging klase ng mga tao kung ito naman ay yuyurak sa kalayaan at karapatan ng mas malawak na sektor ng lipunan.
Ang usaping ito’y ang pagkakaapruba sa prinsipyo ng House Bill No. 5266 o ang Sexual Orientation, Gender Identity, or Expression, or Sex Characteristics (SOGIESC) Equality Bill. May katumbas na panukalang-batas sa Senado. Kung hindi mapipigilan ang pag-usad ng panukala, hindi magtatagal, ito’y magiging isang ganap na batas.
Marami ang naniniwala na ang SOGIESC bill ay lumalabag sa ating Konstitusyon, sapagkat ito’y isang class legislation na pabor lamang sa isang klase ng mga tao. Ayon sa mga Constitutionalists, napakaraming depekto ng panukala kung kaya’t kailangan itong ibalik sa committee level para sa mas masusing pag-aaral.
Galit din ako sa anumang uri ng diskriminasyon, sapagkat ang tao’y nilalang ng Diyos na may magkakapantay na dignidad bilang nilikhang kawangis Niya. Ang mga gay at lesbian ay tinatanggap at minamahal ng simbahan, sapagkat sila’y saklaw ng biyaya ng Diyos. Ang tinututulan ng simbahan ay ang mga homosexual practices na labag sa Salita ng Diyos, tulad ng pagtatalik at pagkakasal ng may magkatulad na kasarian o same-sex marriage.
Nilalayon ng SOGIESC Bill na mahinto ang diskriminasyon laban sa LGBTQIA+ community, ngunit sa kasamaang-palad, ito naman ay nag-uudyok ng diskriminasyon sa iba. Pagkakalooban ng SOGIESC bill ng kalayaan at karapatan ang mga gay at lesbian, ngunit yuyurakan naman nito ang mga pundamental na kalayaan at karapatan ng iba na pinangangalagaan ng Konstitusyon. Ilan sa mga ito’y ang mga sumusunod:
1. Kalayaang Pang-relihiyon -- kalayaang ipamuhay ang mga values na itinuturo ng pananampalataya, tulad ng pagturing sa mga homosexual practices bilang kasalanan. Sa paningin ng simbahan, ito’y hindi diskriminasyon na sa ilalim ng panukalang-batas ay may pataw na parusa. Ito’y pagtutuwid sa isang bagay na lihis sa orihinal na disenyo ng Diyos.
2. Kalayaang Pang-akademiko -- ang mga eskwelahang pinatatakbo ng simbahan ay hindi lamang para sa pagkatutong akademiko, kundi para rin sa pagtuturo ng moralidad at human sexuality na nasasalig sa Salita ng Diyos. Ang panukalang-batas ay nag-aalis sa karapatan ng mga institusyon na piliin kung ano ang ituturo, ang paraan ng pagtuturo, at kung sino ang tuturuan.
3. Kalayaan ng mga Magulang na Turuan ang mga Anak -- ito’y may kinalaman sa pagtuturo ng mga paniniwala at pinahahalagahan ng pamilya sang-ayon sa Salita ng Diyos at doktrina ng simbahang kinabibilangan. Sa ilalim ng SOGIESC bill, maaaring hadlangan ang mga magulang sa pagtuturo tungkol sa human sexuality at marriage, ayon sa nakagisnang paniniwala. Maaari pa ngang idemanda ng mga anak ang mga magulang. Dahil dito ang parenting ay malilipat mula sa tahanan tungo sa korte.
Napakalaki ng implikasyon ng SOGIESC bill sa pamilya, simbahan, at eskwelang pinatatakbo ng simbahan. Sa kabuoan, napakalaki ng implikasyon nito sa kasalukuyang henerasyon at sa darating pang henerasyon ng mga Pilipino. Ang pagwawalang-bahala ngayon dito’y katumbas ng pagwawalang-bahala sa magiging kinabukasan ng lipunang Pilipino.
- Latest















