^

Punto Mo

EDITORYAL — Laptops para sa public school teachers

Pang-masa

NASA 172,000 MacBook Neo laptops ang ipinamamahagi na ng Department of Education (DepEd) sa public school teachers at administrative personnel sa buong bansa. Ito ay bahagi nang malawak na DepEd Computerization Program.

Magandang balita na mas maayos ang procurement na ito kumpara sa kontrobersiyal na laptop purchase noong 2021 kung saan mga depektibo ang mga unit. Batbat ng anomalya ang pamamahagi noon ng laptop na hanggang ngayon ay hindi pa nalulutas.

Nakuha ng DepEd ang bawat MacBook sa humigit-kumulang P43,000, mas mababa sa suggested retail price, at may kasama pang limang taong warranty, delivery, software at training.

Malaking kaibahan ito sa dating procurement na na-flag ng COA dahil umano sa overpriced at outdated na laptops.

Pero hindi dapat doon matapos ang usapan.

May halos 900,000 public school teachers sa bansa. Kahit pagsamahin ang kasalukuyang MacBook at Windows procurement, malinaw na hindi pa nito masasaklaw ang lahat.

Malaki pa rin ang kakulangan. Hindi pa rin mabibigyan ang lahat ng mga guro.

Sa mga paaralang mas marami ang qualified t­eachers kaysa available units, maaaring magkaroon pa ng bunutan para matukoy ang recipient.

Dito nagiging malinaw ang mas malaking problema: ang laptop ay hindi dapat maging tila premyo sa raffle kundi essential na kagamitan para sa trabaho.

Sa panahon ngayon, ginagamit ng guro ang computer sa lesson preparation, grades, reports, online resources at digital learning.

Hindi dapat sa sariling bulsa nagmumula ang pambili sa kagamitang kailangan sa trabaho.

Mahalaga rin ang training, internet connection, maintenance at malinaw na inventory system.

Walang saysay ang magandang laptop kung mahina ang internet, walang technical support o hindi naman nagagamit nang maayos.

Maganda ang hakbang ng DepEd at dapat ­kilalanin ang mas maingat na procurement.

Pero mas mainam na makararating ang maayos na kagamitan sa lahat ng gurong nangangailangan nito. Dahil ang laptop sa paaralan ay hindi luho at hindi premyo, kasangkapan ito para makapagturo sila nang mas mahusay sa mga mag-aaral. Kung ­moderno ang kanilang gamit, maraming makikinabang na mga bata.

DEPED

TEACHERS

TRENDING

  • Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with