^

Punto Mo

Tore ng Babel ng Pilipinas

PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Usap-usapan nitong nakaraang buwan ang salitang esmiringhoy matapos mabanggit sa isang programa sa radyo na Filipino ang pangunahing wika. Kakaiba man sa pandinig ng marami, ang esmiringhoy ay isang kolokyal na salitang Bisaya na tumutukoy sa pagtatalik o pagsisiping ng mag-asawa. Hindi kataka-takang naging tampulan ito ng biro at usap-usapan, lalo na sa mga hindi pamilyar sa wikang Bisaya. Marahil, kung karaniwang salita ito sa Tagalog, hindi gaanong papansinin ng mga nakarinig.

Pero ipinakikita rin ng pangyayaring ito ang pagkakaiba-iba ng mga wikang ginagamit sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Bagaman may pambansang wikang Filipino na nakabatay sa Tagalog, hindi nangangahulugang ito ang tanging wikang ginagamit ng mga Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na pakikipag-usap.  May Cebuano o Bisaya, Ilokano, Hiligaynon, Waray, Bikol, Kapampangan, Pangasinan, Chavacano, Tausug, Maranao at marami pang ibang wika sa iba’t ibang rehiyon.

Totoong maraming Pilipino sa iba’t ibang rehiyon ang nakauunawa ng Filipino (Tagalog) ngunit hindi lahat ay nakapagsasalita nito nang matatas.

Gayundin, maaaring magkaroon ng problema sa pakikipag-usap ang isang Ilokano na napadpad sa Samar, Cebuano na nanirahan sa Cordillera, Maranao na lumipat sa Batanes o Chavacano na dumayo sa Camarines Sur kung hindi niya alam ang lokal na wika roon. Karaniwan nang natututuhan ng mga Pilipino ang ibang wikang rehiyonal sa pamamagitan ng pakikisalamuha at pakikipamuhay sa mga residente ng lugar na kanilang dinadayo o nililipatan.

Hindi maikakaila na maraming salita at ekspresyon sa iba’t ibang rehiyon ang hindi natin nauunawaan. Ipinakikita lamang nito na may sarili ring Tore ng Babel ang Pilipinas.

Sana nga ay magkaroon ng mas maraming paaralan o institusyon na nagtuturo ng iba’t ibang wikang rehiyonal sa bansa. Hindi sapat ang araw-araw na pakikipag-usap lamang sa mga residente ng isang bayan o lunsod para matutuhan ang mga ito. Kapos din ang mga babasahin at diksiyonaryong maaaring pagkunan ng kaalaman tungkol sa maraming lokal na wika.

Nagagawa ng mga Pilipino na matutuhan ang mga wika ng ibang bansa ngunit tila hindi gaanong nabibigyang-pansin ang pormal na pag-aaral ng mga lokal na wikang ginagamit ng sarili nating mga kababayan. Mahalaga rin ang mga ito dahil marami sa ating mga kababayan ang napapadpad o lumipat para permanenteng tumira sa iba’t ibang sulok ng bansa kung saan ibang lokal na wika ang ginagamit. Dahil na rin sa internet  o social media, nagkakaugnayan ang mga Pilipino mula sa iba’t-ibang rehiyon na may magkakaibang sariling lengguwahe. Kaya hindi maiiwasang makaenkuwentro ng mga salitang tulad ng “Esmiringhoy.”

•••

Email -[email protected]

WIKA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with